Default Thumbnail

Lolo, 70, timbog sa high-grade ‘MJ’ sa Pateros

March 16, 2023 Edd Reyes 206 views

HINDI naging usapin ang pagkakaroon ng edad sa paggawa ng iligal na aktibidad matapos madakip ng pulisya ang 70-anyos na lolo nang pagbentahan ng high-grade marijuana (MJ) ang pulis na nagpanggap na buyer Miyerkules ng gabi sa Pateros.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, natukoy ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng SPD ang suspek na lolo, ng Barangay San Pedro, Pateros na umano’y siyang pangunahing “supplier” ng mataas na uri ng cannabis o marijuana sa naturang bayan.

Sinabi ni Kraft na nasa listahan din ng mga itinuturing na “high-value individual” (HVI) ang matandang suspek dahil sa malakihang bulto ng marijuana na kanyang naibebenta.

Dakong alas-8 ng gabi nang ikasa ng mga tauhan ng SPD-DEU ang buy-bust operation laban sa matandang tulak ng iligal na droga sa kahabaan ng Flores St. Bgy. San Pedro na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 1,800 gramo ng fruiting tops ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P216,000, pati na ang ginamit na markadong salapi ng police poseur-buyer, pati na ang cellphone na gamit niya sa iligal na transaksiyon.

Nagbanta naman si Kraft sa iba pang sangkot sa iligal na droga na hindi sila titigil sa pagtugis sa mga ito, anuman ang kanilang edad o estado sa buhay, hangga’t hindi sila nasasadlak sa piitan.

AUTHOR PROFILE