Default Thumbnail

Lola dedo sa kalagitnaan ng ‘sex’ matapos atakihin sa puso

November 8, 2022 Jonjon Reyes 399 views

ISANG ginang ang inatake sa puso habang nasa kalagitnaan ng “pakikipagtalik” umano sa kanyang “lover” sa loob ng isang hotel sa Tondo, Maynila, Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na nasa 60-anyos na lola, na sinasabing inatake habang nasa kainitan ng diumano’y romansa ng kanyang kapares sa nasabing lugar.

Ang biktima ay residente ng Magsaysay Village sa Tondo, Maynila.

Base sa ulat ni Det. John Paul Rojo na isinumite kay P/Lt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 3:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa isang hotel sa panulukan ng Antonio Rivera St., Tondo.

Lumitaw pa sa pagsisiyasat ni Rojo na nagcheck-in ang dalawa sa hotel bandang alas 8:00 ng gabi, Lunes.

Sa imbestigasyon na nakalap ng pulisya, ang kasama ng biktima sa hotel ay itinago sa pangalang “Alberto”, 53-anyos, taga-Quezon City.

Ayon sa kanya, nasa ikalawang yugto na sila o “2nd round” umano sa kanilang pagtatalik nang bigla umanong hiningal at kinapos ng hangin hanggang sa tuluyan ng atakihin sa puso ang lola.

Nasaksihan pa ng katalik nito ang pangingisay ng biktima, kaya agad itong nagpasaklolo sa ilang staff ng hotel at mabilis na naisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center subalit hindi na rin ito umabot ng buhay sa nasabing pagamutan.

AUTHOR PROFILE