Default Thumbnail

Las Pinas: Contactless swabbing fake news

January 10, 2022 Edd Reyes 271 views

NILINAW ng Las Pinas City Health Office (LPCHO) na walang katotohanan ang kumakalat sa social media na may isinasagawang contactless swabbing ang lokal na pamahalaan.

Ang paglilinaw ng LPCHO ay bunsod ng sunod-sunod na tawag na kanilang natatanggap na nagtatanong kung nagsasagawa sila ng contactless swabbing batay sa kanilang nabasa sa social media.

Bunga nito ay nanawagan ng Las Pinas City government sa publiko na maging alerto at mapagmasid at huwag basta maniwala sa mga kumakalat na pekeng balita sa social media.

Pinayuhan din ng LPCHO ang kanilang mamamayan na huwag na ring ikalat o i-share pa sa iba ang mga naglabasang fake news at sa halip ay burahin na lamang o dedmahin.

Sa kabila nito, sinabi ng LPCHO na patuloy pa rin naman silang naghahandog ng libreng COVID-19 na isinasagawa sa kanilang tanggapan.

Sa mga nagnanais na magpa-swab test, maaaring magpa-schedule sa hotline numbers na 09271400492 at 09271400498 mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8:00 ng umaga hanggang 5 p.m.

Para naman sa hiling na pagkuha ng resulta ng swab test, mangyari lamang na tumawag sa 09564029964 at 09614260564 mula Lunes hanggang Sabado, sa mga oras na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Sa oras na maberipika ng tanggapan ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng kahilingan, ipapadala ang opisyal na resulta ng kanilang RT-PCR test sa kanilang email address habang ang Antigen Test result naman ay ibinibigay sa mismong pasyente matapos ang 30-minutong interpretasyon.

AUTHOR PROFILE