Default Thumbnail

Lapida ng pabayang pulitiko!

October 26, 2021 Allan L. Encarnacion 268 views

Allan EncarnacionLALO akong nahabag sa sitwasyon ng Bulacan nang makaikot ako sa bandang Bustos nitong weekend.

Hindi mo aakalaing sa isang lugar na halos 31 kilometers away lang sa Metro Manila ay makakakita ka pa ng malawak at malaking lupain na bakante at walang paggalaw ng kabuhayaan.

Parang kahit saan ka tumingin, “no sign of life” para maging isang vibrant town ang Bustos.

Ang Bustos na wala pang 72K ang populasyon at 26 square kilometers lang ang laki, di ko matanggap ng mahirap pa rin siyang bayan.

Naikot ko rin kamakailan ang Pandi, bagama’t mas may konting galaw ang kabuhayan, hindi ko pa rin matanggap na pagkatapos ng maraming dekada, pobreng lugar pa rin ang maraming bayan sa Bulacan.

Hindi ko ito puwedeng isisi kay incumbent Governor Daniel Fernando dahil wala pa naman siyang tatlong taon sa puwesto.

Kung may limang daliri akong maituturo, siguro doon ko itututok sa mga nagpabalik-balik na gobernador, mga alkalde at mga kongresista, kasama na ang mga bokal at mga kapitan ng lalawigan.

Habang pinagmamasdan ko ang mga posters ng mga kandidatong nakapaskil sa aking mga dinadaanan, lalo na iyong mga reeleksiyunista, naitatanong ko sa aking sarili kung bakit kaya pa nilang humarap sa kanilang mga kalalawigan?

Kunsabagay, nakapostura pa at maayos naman ang maleup sa kanilang mga posters. Obviously, nasisikmura pa nila.

Pero kung ako iyong pulitikong paulit-ulit na napuwesto sa Bulacan, aba’y manliliit na ako sa hiya dahil sa miserableng kondisyon ng lalawigan.

Palagi kong sinasabi na kung mayroon mang unang dapat umunlad na kasabay ng National Capital Region, iyon ay ang Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.

Sa mga lugar na ito, Cavite at Laguna lang ang umunlad at napasigla nila ang kanilang mga industrial zone at nagkaroon ng business haven.

Pero sa Bulacan at Rizal, sobrang nangulelat.

Mas mabuti pa rin di hamak ang Rizal kumpara sa Bulacan na talagang deep down ang pagkatropang kulelat sa usapin ng ekonomiya.

Isipin nyo ang Pampanga na kasunod ng Bulacan, sobrang developed ang maraming lugar sa kanila at masigla ang ekonomiya. Mas malayo ang Pampanga sa Bulacan pero nagkaroon ng kaunlaran kahit nawala ang base militar sa Clark.

Iyong mga nadaanan kong lugar sa Bustos at Balagtas, puwede kong sabihin na dapat maging lapida na ng mga traditional politicians sa lalawigan para hindi na sila makabalik.

Nanawagan tayo sa mga taga-Bulacan na maawa naman kayo sa inyong lalawigan, parusahan nyo naman ang mga pulitikong walang ginawa kung hindi payamanin ang kanilang pamilya habang pinababayaang maghirap ang probinsiya at mga bayan.

[email protected]