Posas

Lalaki jumingle pero may boga pala huli sa Caloocan

April 13, 2024 Edd Reyes 59 views

KALABOSO imbes na multa lang ang sinapit ng 42-anyos na lalaki na nahuling umiihi sa public area na may dala palang hindi lisensyadong baril noong Biyernes sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagpapatrulya ang mga tauhan ng East Bagong Silang Police Sub-Station 13 sa Brgy. 176, Bagong Silang nang matiyempuhan si alyas Jose na umiihi sa pader sa may Phase 7B dakong alas-9:40 ng gabi.

Sinita at hinanapan ng identification card (ID) ang suspek para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) pero kumaripas ng takbo patungo sa maliit na eskinita.

Tinugis nina P/Cpl. Mark Teody Diel at Pat. Julius Samaniego, Jr. ang lalaki na nadapa kaya natiklo ng mga pulis.

Doon napuna ng mga pulis ang kalibre .38 revolver na may dalawang bala na nakasukbit sa kanyang baywang. Lumaki ang kaso ng suspek ng walang maipakitang lisensiya sa pagkakaroon ng armas.

Bukod sa kasong resistance and disobedience to a person in authority, sasampahan din ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE