Lacuna FASHION TIME–Nagpakuha ng litrato si Mayor Honey Lacuna-Pangan kasama sina Department of Tourism, Arts and Culture Manila (DTCAM) Director Charlie Dungo, (kaliwa) Punto Consultancy CEO Doris Jimenez at Secretary to the Mayor Atty. Marlon Lacson (kanan) habang ipinapakita ang kasunduan sa muling paglulunsad ng ikalawang edisyon ng Rampa Manila 2024.

Rampa Manila ’24 itinakda sa Hunyo 19

April 12, 2024 Edd Reyes 111 views

MATAPOS ang tagumpay ng Rampa Manila 2023, muling pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang paglulunsad ng ikalawang edisyon ng fashion show noong Huwebes sa Bulwagang Villegas.

Ayon sa alkalde, lalo pang magiging kaakit-akit ang fashion show sa taong ito na may temang “Textile, Texture and Technique” na tatampukan ng makabagong paglikha ng magagandang kasuotan gamit ang mga telang itinitinda sa Divisoria.

Muling idaraos ang likha ng mga Filipinong designer sa Bulwagang Rodriguez sa Manila City Hall sa Hunyo 19, 2024 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

“Gaya po noong isang taon, napakarami pong magagandang likha ang nakita natin sa ating mga local fashion designers and I’m pretty sure na marami na naman tayong makikita from our very own,” pahayag ng alkalde.

Katatampukan ang pagdaraos ng Rampa Manila 2 ngayong taon ng mga batang fashion designers tulad nina Anthony Ramirez, Neric Beltran, Marc Rancy, Val Taguba at Jhobes Estrella.

Magtatampok din ng kani-kanilang mga likha sina Dhenyze Guevarra, Marissette Magalona at Joana Santos sa gabi ng kaganapan.

“Ang ating ultimate goal ay pataasin ang antas ng industriya ng fashion, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong Pilipinas at makapagbigay pa ng inspirasyon lalung-lalu na po sa mga batang nagnanais pumasok sa industriya na ito,” sabi pa ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE