Medina

Lalaki arestado sa ‘rape’ ng 25 dalagita

March 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 506 views

NAARESTO na ng pulisya ang sinasabing suspek sa serye ng mga kaso ng panggagahasa sa mga batang kababaihan sa Quezon City, noong Lunes ng hapon.

Iniharap sa media nitong Miyerkules (March 9) ni Quezon City Police District (QCPD) PBGen Remus Medina, ang suspek na si Alexander Yu, 42, delivery rider, at naninirahan sa Blk 59, Lot 5, Kaong St., Amparo, Subdivision, Quezon City.

Si Yu ay nadakma sa isang entrapment operation sa C3 Caloocan matapos magsumbong ang pinakahuli niyang biktima na nasa edad 14.

Ayon sa biktima, habang nasa labas siya ng isang mall sa Barangay Sta. Monica, nang mag-chat sa kaniya si Yu at inaalok siya ng buwanang sahod na P25,000, at P3,000 allowance maging ng iPhone 7 na cellphone kapalit umano ng serbisyong ipapagawa sa kaniya.

“Sundin mo lang ang gusto ng sponsor at alam mo na ‘yun ‘sex’ at agad-agaran kong ibibigay sayo yung pera pero dito sa bahay ko mismo,” utos umano ng suspek sa dalaga.

Lingid sa kaalaman ng suspek ay nabigyan na ng babala ang dalaga ng dalawang kaibigan nito na nasa edad 18 at 19 na naging biktima rin ng delivery rider.

Dahil dito ay agad na nagsumbong ang biktima sa PS 16 na agad namang nagkasa ng entrapment operation sa isang gasoline station sa C3 road.

Dito ay muling nag-chat ang biktima at ang suspek na magkikita sa naturang lugar pero lingid kay Yu na may kasama nang mga pulis ang dalaga kaya sa kaniyang paglutang ay agad na itong pinosasan ng mga awtoridad.

Inamin naman ni Yu na umabot na sa 25 dalagita ang kaniyang hinalay matapos masamsam sa kaniya ang 55 piraso ng Sim cards na ginagamit umano sa kaniyang mga biniktima sa pamamagitan ng pagcha-chat.

Patong patong na kasong paglabag sa Anti child abuse law at robbery ang isasampang kaso laban sa suspek.