Default Thumbnail

Laborer tiklo sa pananakit, pekeng baril

August 19, 2022 Edd Reyes 280 views

BINUGBOG at tinutukan pa ng replika ng baril ng isang construction worker ang 24-anyos na kaanak na babae makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo Huwebes ng gabi sa Taguig City.

Sa kabila ng mga tinamong pinsala sa katawan, nagawa pang kumaripas ng takbo ang babaeng biktima, residente ng Barangay South Daang Hari, sa takot na iputok ng kaanak niyang laborer ang baril na itinutok sa kanyang ulo matapos siyang bugbugin dakong alas-11 ng gabi.

Sa ulat na isinumite ni Taguig Police Chief Robert Baesa kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/Col. Kirby John Kraft, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang babae at ang suspek sa Bgy. South Daang Hari sa hindi pa batid na kadahilanan.

Sa gitna ng pagtatalo, pinagsusuntok umano ng lalaki ang biktima at hindi pa nasiyahan, binunot ang nakasukbit na replika ng kalibre .9mm sa kanyang baywang at itinutok sa ulo ni Manguera sabay sampit ng katagang “Gusto mo patayin na kita ngayon?”

Humingi naman ng tulong ang babae sa Sub-Station 8 ng Taguig Police na kaagad namang umaksiyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa kanyang ginamit na replika ng kalibre .9mm na baril.

“The rapid response time of our men not only boosts crime detection but also reduces the time it takes to catch the offender. Ipinapakita lamang nito ang kahalagahan ng isang pulis na nagpapatrolya kung kaya’t madaling makarating sa pinangyarihan ng krimen at alertong tumatalima sa tawag ng tungkulin,” pahayag ni Kraft.

AUTHOR PROFILE