Default Thumbnail

Laborer binoga sa harap ng bahay, dedo

March 6, 2023 Jojo C. Magsombol 197 views

PATULOY ang pagtugis ng mga kapulisan sa isang hindi pa nakikilalang salarin na bumaril sa isang construction worker habang nakatambay sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay Wawa, Batangas City, Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Batangas City Police Station Chief Lt. Col. Dwight F. Fonte Jr. ang nasawing biktima ay isang 49-anyos na construction worker.

Nahagip naman ng stray bullet ang isang 23-anyos na lalaki, may asawa at residente ng Purok 4, Bgy. Wawa.

Dakong alas 2:40 ng madaling araw noong Marso 5, ipinaalam ni PSSgt. Jaypee Ilagan, duty radio operator ng Batangas CPS (Community Precinct Station), sa mga kasamang pulis na may naganap na insidente ng pamamaril sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas 1:50 ng madaling araw sa Purok 3, ang laborer ay nakitang nakatambay sa harap ng kanilang tahanan nang walang ano-ano ay biglang sumulpot ang isang lalaki at pinagbabaril ang biktima sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Ang isang biktima na malapit sa lugar ay nahagip ng ligaw na bala at tinamaan sa kaliwang binti.

Ang suspek ay mabilis na tumalilis dala ang sandata patungo sa hindi malamang direksyon.

Ang dalawang duguang biktima ay mabilis na isinugod sa Batangas Medical Center subalit ang una ay idineklarang patay, dakong 2:10 ng madaling araw ayon kay Dr. Nicko Valentino Magalona.

Sinabi ni Fonte na agad niyang pinakilos ang kanyang kapulisan para sa mabilisa na pagtugis at paghuli sa suspek.

Ang Batangas Provincial Forensic Unit (BPFU) ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyong teknikal.

AUTHOR PROFILE