Bong Go

KTV at bar workers na nawalan ng trabaho, inayudahan ni Bong Go

April 26, 2021 People's Tonight 488 views

BILANG bahagi ng kanyang patuloy na pag-aabot ng tulong sa mga nawalan ng trabaho na epekto ng COVID-19 pandemic, namahagi ng ayuda ang tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga manggagawa sa karaoke at bar sa Davao City kamakalawa.

“Sa aking mga kababayan at kapitbahay, magtulungan at magdasal tayo palagi. Kailangan natin magmalasakit at magbayanihan, lalong-lalo na sa panahon ngayon. Huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil nandirito ang gobyerno para tulungan kayo makabangon muli,” ayon kay Go sa kanyang video message.

Ang grupo ni Go ay namahagi ng mga makakain, bitamina, masks at face shields sa may 439 displaced workers sa Barangay 12-B covered court.

Naroon din ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development na namigay ng financial assistance bilang bahagi ng pinalawak na pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang mga nalulubog sa krisis.

“Thank you para sa mga natanggap namin na bigas, canned goods at iba pa. Nakakuha rin kami ng ayuda mula sa DSWD. Maraming salamat po para sa tulong ninyo. Makakatulong ito kahit papaano!” sabi ng isa sa benepisyaryo na si Judy Ramos.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health, hinikayat ni Go ang mga displaced workers na may medical concerns na lumapit lang sa kanyang opisina.

Pinayuhan din niya ang mga ito na lumapit sa Malasakit Center sa Southern Philippines Medical Center para ma-avail ang medical assistance mula sa DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

“Nasa loob na ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno. Tutulungan kayo nito hanggang maging zero balance ang inyong billing. Para talaga ito sa mga poor and indigent patients. At kung mayroon kayong pasyente na kailangan dalhin sa Metro Manila, tutulungan din namin kayo ni Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Go.

Pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal ng Davao City sa patuloy nilang serbisyo, sa pangunguna ni Mayor Sara Duterte; Vice Mayor Sebastian Duterte; Cong. Paolo Duterte; Punong Barangay Nelia Tumabang; at mga Kagawad Nelson Abella, Noel Sadural, Salvio Amoy, Melanie Villanueva, Archimedes Alcoseba, Renato Villegas, at Marina Caballero.

“Nagpapasalamat kami ni Pangulong Duterte dahil binigyan ninyo kami ng pagkakataon para pagsilbihan kayo. Hindi namin sasayangin ang pagkakataon na ito kaya lapitan niyo lang kami kung may iba pa kaming maitutulong. Magserserbisyo kami sa inyo sa abot ng aming makakaya dahil mahal namin kayo,” anang senador.

Namigay din si Go ng emergency assistance sa sampung pamilyang nawalan ng tirahan matapos masunugan sa Brgy. Binugao, Toril District ng nasabi ring araw.

AUTHOR PROFILE