QCPD

Kotse sumalpok sa bisikleta, binatilyo patay

February 27, 2022 Melnie Ragasa-limena 329 views

NANANAWAGAN ang pamilya ng 19-anyos na estudyante na sumuko na ang driver ng kotse na sumalpok sa sinasakyang bisikleta ng biktima na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ang biktima ay nakilalang si Mark Joseph Crisostomo, 19, estudyante, at residente ng 49 Scout Madrinan St., South Triangle, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang 11:45 p.m. (February 25) nang maganap ang akisdente sa intersection ng Scout Torillo at Scout Rallos sa Brgy. Sacred Heart, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Darwin B. Peralta ng Traffic Sector 4, sakay ng bisikleta ang biktima at habang binabaybay ang kahabaan ng Scout Torillo galing ng Timog Ave., patungong Kamuning Road ay nasalpok ng isang kotseng Sedan na hindi naplakahan.

Dahil sa lakas ng impak ay tumilapon ng ilang metro ang biktima at lumagapak ang ulo sa konkretong semento. Pero sa halip na huminto ang driver ng Sedan ay mabilis umano nitong pinaharurot ang sasakyan nito.

Agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center ang binatilyo pero binawian din ito ng buhay sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Nananawagan naman ang ina ng biktima na si Marilou, 48, na sana ay sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng Sedan na nakabangga sa kaniyang anak.

Inaalam pa ng mga awtotidad kung nakunan sa mga nakakabit na CCTV sa lugar ang nangyaring aksidente upang matukoy ang plaka ng Sedan at kung sino ang nagmamaneho nito.