Vic Reyes

Koleksiyon ng BOC, above target!

February 7, 2024 Vic Reyes 117 views

KAGAYA ng inaasahan ng marami, kasama na ang mga nagtatrabaho sa aduana, nag-rehistro na naman ng isang “milestone” ang Bureau of Customs (BOC) nitong Enero.

Hindi lang naabot kundi nahigitan pa “by 2.16 percent” ang revenue collection target nito noong nakaraang buwan.

Ayon sa rekord, umabot ng P73.329 bilyon ang nakolektang buwis ng BOC kumpara sa target nitong P71.779 bilyon.

Sa taong ito ay aabot ng P1 trilyon ang collection target ng BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Kamakailan nga ay dumalaw pa sa aduana si dating Senador Ralph Recto ng Batangas, ang bagong DOF secretary.

Sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na isang Ilocano, na naitala ang rekord dahil sa iba’t ibang factors.

Ito ay kinabibilangan ng “improved system of determining the customs value of imported goods and strengthened border protection.”

Nandiyan pa ang tinatawag na “concrete trade facilitation efforts” sa iba’t ibang collection districts ng ahensiya sa buong bansa.

Pinapapurihan nga ni Commissioner Rubio ang lahat ng collection districts dahil sa kanilang “noteworthy contributions to the overall collection performance of the agency.”

Sa tingin ng maraming waterfront stakeholders ay kayang abutin ng BOC ang 2024 assigned tax take.

Bago pa dumating ang tinatawag na “ber” months ng taon ay lalaki na ang koleksyon sa aduana dahil parating na ang Christmas items.

Hulyo pa lang ay magsisimula na ang pagdating ng Christmas items, na kagaya ng appliances at iba pang pang-regalo sa Pasko.

Nandiyan pa ang “balikbayan boxes” na naglalaman ng mga pamasko ng OFW sa kanilang mga mahal sa buhay sa bansa.

Ang kailangan lang ay patawan ng mga taga-BOC ng tamang buwis ang mga parating na “imported goods.”

Hindi ba, Pangulong Marcos, DOF Secretary Recto at Commissioner Rubio?

***

Ang dami-daming kontrobersyal na isyu na kinakaharap natin.

Ang pinakahuli ay ang proposal ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na paghiwalay ng Mindanao sa Republika ng Pilipinas.

Siyempre, ang daming pumalag dito dahil isa itong hindi biro-birong proposal.

Nandiyan pa ang “People’s Initiative” na isinusulong ng iba pang sektor na nababagalan sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Huwag natin kalimutan ang pagsipa ng presyo ng halos lahat ng bilihin, lalo na ang pagkain at enerhiya.

Sa tingin nga ng marami ay buhay na buhay ang demokrasya sa Pilipinas dahil malayang nakakapagsalita ang lahat.

Banat dito, banat doon ang ginagawa ng mga kritiko ng administrasyong Marcos.

Pero sana naman hanggang “verbal tussle” lang tayo.

****

Pebrero na napakalamig pa rin ang simoy ng hangin sa madaling araw sa maraming parte ng bansa.

Okay lang ito kahit sa mga taong maagang nagigising dahil sa kani-kanilang trabaho, kagaya ng mga magsasaka, mangingisda at vendor.

At sana huwag namang magkaroon ng outbreak ng mga nakamamatay na sakit dahil hindi kakayanin ito ng taumbayan.

Lalo na ang mga mahihirap sa far-flung communities sa bansa na kung saan walang mga ospital at doktor.

Sabi nga, kahit mahirap ang buhay basta wala lang magkakasakit sa pamilya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE