Kulong

Kinulong dahil mayabang

October 25, 2023 Edd Reyes 122 views

SA selda ang bagsak ng 23-anyos na tambay nang ipangalandakan ang paltik na baril sa kanilang lugar Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.

Hindi na naitago ng suspek na si alyas “Reven” residente ng Dumpsite, Sitio 6, Brgy. Catmon ang hawak na pen gun na may kargang bala nang lapitan ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 4 na nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Dumpsite Sitio 6 dakong alas-3:40 ng madaling araw.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, natiyempuhan nina P/SSg Kennete Robert Paragua at Pat. Dionnel Reyes ng Sub-Station 4 ang suspek habang hawak at ipinagyayabang ang paltik na baril.

Bukod sa paglabag sa Omnibus Election Code, sinampahan din ng kaso nina P/SSg Ernie Baroy at P/SSg Diego Ngippol, may hawak ng kaso, ang tambay na suspek ng paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa piskalya ng Malabon.

AUTHOR PROFILE