Crime

Kelot napagkamalang magnanakaw, nabaril

November 29, 2023 Melnie Ragasa-limena 148 views

SUGATAN ang isang lalaki nang mabaril ng guwardiya matapos na mapagkamalang magnanakaw nitong Miyerkules ng madaling araw sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Ramon Hubayan, 44, residente ng 6 Ilang-ilang St., Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Patuloy pang tinutugis ang suspek na security guard umano ng isang paaralan sa Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police Districct (QCPD) Project 6 Police Station (PS 15), bandang 3:45 ng madaling araw (November 29), nang maganap ang insidente sa Congressional Ave., sa harap ng Colegio de San Lorenzo malapit sa Metro Gasoline station, sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Rigor Resonable, hinahabol umano ng tatlong guwardiya na kinabibilangan ng suspek ang dalawang nagnakaw ng kable nang masalubong ang biktima.

Sa pag-aakalang kasabwat ang biktima ay hinarang ito ng mga guwardiya.

Itinanggi naman ng biktima ang inaakusa sa kaniya at sa takot ay tumakbo ito patungong congressional avenue dahilan upang paputukan ng nasabing sikyo.

Agad na dinala sa Quezon City General Hospital ang biktima at ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan, habang tumakas naman ang suspek.