Default Thumbnail

K-12 wala nang saysay

June 20, 2022 Erwin Tulfo 466 views

TulfoMALUGOD nating binabati si Vice-President-elect Sara Duterte-Carpio na nanumpa sa makasaysayang inagurasyon nya noong Linggo sa Davao City.

Kahanga-hanga ang dating Davao City mayor sa kanyang katalinuhan, karisma at sinseridad na umani ng mahigit 32 milyong boto sa kanya noong nakaraang eleksyon.

At bilang pakikiisa at todong-pagsuporta kay VP Inday Sara, pinangunahan ang pagdalo sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bonbong” Marcos, Jr., First Lady Louise Araneta-Marcos and family. Naroon din si Senator Imee Marcos.

Tunay na maipagmamalaki ni Pangulong Duterte na naroon din sa inagurasyon ang kanyang anak na magiging isang “working VP” bilang concurrent Secretary ng Department of Education (DepEd).

Ipinakikita ng pagkakatalaga nya bilang DepEd chief ang napakalaking pagtitiwala sa kanya ni President BBM para imaneho ang ahensya ng gobyerno na may pinakamalaking bahagi sa national budget para ihanda ang mga kabataang Pilipino sa Digital Age at mabilis na nagbabagong mundo.

Ayon sa mga ulat, pagtutuunan ng pansin ni VP Inday Sara ang ganap na pagbabalik sa face-to-face classes at ang pagbubusisi sa kwestyonableng K-12 basic education program.

Layon kuno ng K-12 na ihanda sa agarang pagtatrabaho ang mahihirap na kabataan na walang sapat na pera para tustusan ang pagtungtong sa kolehiyo.

Sasanayin daw ang mga kabataan sa karagdagang dalawang taon sa senior high school sa mga vocational classes na tulad ng ginagawa sa TESDA.

Ngunit maraming magulang, partikular na ang mga beneficiaries ng 4Ps, ang umaasa na alisin na o gawing opsyonal ang dalawang taon na dagdag-pahirap lamang lalu na sa mga naapektuhan ng lockdown noong pandemya at kawalan ng hanap-buhay.

Maraming tumigil sa pag-aaral dahil lalung nahirapan ang mga magulang na igapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Tinawag nilang “elitista” ang prinsipyong nasa likod ng K-12 dahil may karapatan din ang mga pobreng kabataan na makapag-aral sa kolehiyo.

At sa katunayan, naisabatas na ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa mga State colleges and universities (SUCs).

At ang mga kumpanya maging ang mga ahensya ng pamahalaan ay pulos college graduates ang kinukuhang empleyado sa halip na K-12 vocational graduates.

At dahil sa Mother Tongue ginagamit ngayon sa primary grades, bumagsak ang academic proficiency ng mga estudyanteng Pilipino sa English ayon sa international studies.

Panahon na para ibasura o gawing opsyonal iyang K-12 vocational classes sa high school tulad ng TESDA.

Sa katunayan, ang mga bansang may pinakamahusay na basic education program ay hindi nagpapatupad ng K-12 program bagkus ginagawang elective ang mga high school vocational classes para sa mga interesadong students.

AUTHOR PROFILE