Pagpag

Jerald at Nicco bagong comic duo sa horror-comedy na ‘Pagpag 24/7’

March 16, 2024 Ian F. Fariñas 65 views

Sina Jerald Napoles at Nicco Manalo ang BFFs at comedic duo na bibida at aabangan sa pinakabagong horror-comedy movie ng Viva Films – Pagpag 24/7 na mapapanood na sa mga sinehan simula March 20.

Ito ay tungkol sa matalik na pagkakaibigan na binuo ng matibay na samahan, at kung paano nila kakayaning lampasan ang kahit na ano, kahit pa ang pagharap sa mga nakakatakot na multo.

Mula sa direksyon ng upcoming director na si JR Reyes, ang Pagpag 24/7 ay hango sa isang pamahiin ng mga Pinoy na “pagpag.”

Isang paniniwala na kapag galing ka sa isang lamay, kailangan mo muna magpunta sa ibang lugar at hindi diretsong umuwi sa bahay.

Sa paggawa nito, pinaniniwalaan na malilito ang espiritu na sumusunod sa ’yo at hindi ka na nito masusunduan pabalik ng bahay.

Kadalasang nagpapagpag ang mga tao sa 24-hour fast food places at mga convenience store dahil ito ang mga lugar na bukas kahit na alanganing oras o madaling araw.

Sina Mitoy (Jerald) at Boying (Nicco) ay mag-best friends na magkaiba ang ugali.

Si Mitoy ay matino, masunurin at mabait habang si Boying ay matigas ang ulo na gagawin ang kahit na anong gusto.

Kahit na malaki ang pagkakaiba, madalas magkasundo ang magkababata at alam nila na lagi silang nand’yan para sa isa’t isa.

Pero lahat ‘yon ay magbabago nang mahuli si Mitoy at Boying na nagnanakaw sa isang convenience store, si Mitoy lang ang madadampot at makukulong, kahit na si Boying ang nagpasimuno ng plano.

Magkakalayo ang loob ng dating magkaibigan at si Boying ang sisisihin ni Mitoy sa lahat ng mga kamalasang dinanas niya.

Muli silang magtatagpo nang makalaya si Mitoy at naging magkatrabaho sa isang punerarya. Ikagugulat din ng lahat na para bang nagkapalit na ng ugali ang dalawa, si Mitoy na ngayon ang maraming alam na kalokohan habang si Boying naman ay nagpapakatino na sa buhay.

Sa isang gabing hindi inaasahan, matatagpuan na lang nina Mitoy, Boying at ilang mga minalas na tao na hindi sila makalabas sa isang convenience store, ang parehas na lugar na nagdulot noon ng matinding bangungot sa buhay nina Mitoy at Boying.

Kahit na bago at moderno na ang itsura ng tindahan, nasa loob pa rin nito ang mga multo ng nakaraan at iba pang mga kaluluwang ligaw na gustong maghiganti at naghihintay lamang sa susunod nilang biktima.

Kasamang bibida nina Jerald at Nicco sa pelikula sina Wilbert Ross, na gaganap bilang Jimboy, isa sa mga kaluluwang pinagpag sa convenience store, si Nikko Natividad naman ay gaganap na Pio, isa sa mga customer na na-trap sa loob ng tindahan at si Danita Paner bilang Leah, kasama ni Pio na hindi rin makalabas, long-time crush ni Mitoy.

Makakasama rin nila sina Dindo Arroyo bilang ang mapagmalupit na si Mang Kanor, sina Janet Dancalan, Butchoy Ubaldo, Cherry Malvar at Jyra De Guzman.

Sabay-sabay na tumawa, matakot at magpagpag sa mga sinehan nationwide habang nanonood ng Pagpag 24/7 simula March 20.

AUTHOR PROFILE