Default Thumbnail

Isang Balde ng Mainit na Dura

October 21, 2023 Magi Gunigundo 129 views

Magi GunigundoPAGDATING sa komentaryo tungkol sa opisina ng Bise-Presidente ng Estados Unidos, walang dadaig sa sinabi ni John Nance Garner na ito ay isang opisinang “hindi man lang katumbas ng isang balde ng mainit na dura.”

Sinabi ito niGarner noon 1932 ng siya pa ang Ispiker ng Malaking Kapalungan sa Amerika, ang ikatlong pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Bagamat atubili dahil sa impluwensya niya bilang Ispiker, tinanggap ni Garner na maging Bise Presidente sa tiket ni Franklin D Roosevelt. Naglingkod ng dalawang termino si Garner bilang Bise-Presidente ng Amerika. Pagkaraan magretiro sa pulitika, inulit muli ni Garner noon 1960 kay Lyndon Baines Johnson na walang halaga ang posisyon na bise-presidente na inaalok sa kanya ni John F. Kennedy.

Bago pa kay Garner, tinawag ni John Adams, ang unangBise Presidente ng Amerika na naging Pangulo, na ang opisina ng Bise-presidente “ang pinakawalang halaga na katungkulan na nilikha ng imbensyon ng tao o naisip ng kanyang imahinasyon.” Itinuring ni Theodore Roosevelt ang posisyon na isang reserba , “ang ikalimang gulong sa karwaheng may apat na gulong.” Sinabi ni Harry Truman, na nag-Bise-Presidente rin at naging Pangulo ng Amerika, na ang posisyong ito ay tulad ng “pakinabang sa ikalimang utong ng baka.”

Sa isang pakikipanayam sa Collier’s Magazine noon Marso 20, 1948, sinabi ni Garner na kahit sinuman magaling na tao ay hindi kailanman maaaring maging mahusay na bise presidente. “Ang isang mahusay na tao ay maaaring mag-okupa sa opisina, ngunit walang paraan para maging dakilang bise-presidente dahil ang opisinang ito ay likas na walang kapangyarihan.” Dahil dito, sinabi ni Garner na ang kanyang pagkahalal na bise presidente ng Estados Unidos ang pinakamasamang nangyari sakanya. Sinulat ni Bascom Timmons sa aklat na “ Garner of Texas”(1948) na pinagtapat sa kanya ni Garner na ang bise presidente ay “a no man’s land somewhere between the legislative and executive branch.” Sinabi rin niya na ang “bise presidente ay walang bodega na imbakan ng kapangyarihan.”Maliban sa panguluhan ang Senado ng Amerika, mag-aabang lang ang Bise-presidente sa mangyayari sa Presidente sa kanilang termino.

Sa Konstitusyon ng Pilipinas, ang Bise Presidente ay maaaring hirangin na kalihim ng ano mang kagawaran na bahagi ng Gabinete ng Pangulo . Hindi niya kakailanganin pa na kumpirmahin ng Komisyon sa Paghirang (Seksyon 3 ArtikuloVII). Nasa Pangulo ang diskresyon kung hihirangin siya o hindisa Gabinete. Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo, ang Bise Presidente ang manunungkulan bilang Presidente para sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan.( Seksyon 8,Artikulo VII)

Sila Sergio Osmena, Elpidio Quirino, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal Arroyo ay nanungkulan bilang Bise-Presidente bago naging Presidente ng bansa. Sa unang tingin, magandang tuntungan ang posisyon ng Bise-Presidente para maging Presidente, subalit marahil tadhana lang talaga ang nagtatakda ng kanilang pag-angat mula sa walang katiting na kapangyarihan bilang reserba o abang, sa pagiging pinakamakapangyarihan pinuno ng bansa. May mga Bise presidente na nagsikap maging Pangulo subalit sawingpalad sa halalan tulad nila Emmanuel Pelaez, Salvador Laurel, Jejomar Binay, at Leni Robredo . Samakatuwid, hindi “sure win” ang nakaupong Bise-Presidente na maging Presidente.

Ang mga tungkuling ginagampanan ngayon ng kasalukuyang Bise-Presidente ay hindi likas sa opisina ng Bise Presidente at hindi ito mag-iiwan ng permanenteng impresyon dito. Imbes na atupagin ang isyu ng national security na hindi likas sa opisina ng Bise-Presidente, dapat pagtuunan ng pansinn g Bise-Presidente ang malalang problema sa edukasyon ng bansa. Kailangan magsunog ng kilay at lawakan ang bilang ng mga taong hihingan ng payo para matukoy ang mga solusyon na hindi naman inaaksyunan ng Dep Ed. Isa na rito ang problemang malabnaw na kasanayan ng 1 milyon guro sa pagtuturo ng mga aralin. Puspusan dapat ang pagpaparami ng mga NEAP in-service training at pagpapakilos ng Teacher Education Council para mabago ang kurikulum ng teacher education para sa pre-service training ng mga estudyanteng gustong maging guro.

Pakinggan si Garner. Pag-igihin ni Sara Z. Duterte ang pagiging Dep \Ed Secretary, hindi ang pagiging Bise-Presidente na hindi man lang katumbas ng isang balde ng mainit na dura kahit sabihin pang ito ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan nasyonal.

AUTHOR PROFILE