Default Thumbnail

Isa pa rin tayong agricultural country

August 16, 2023 Vic Reyes 206 views

Vic ReyesWALANG dahilan para lumampas ng P120 ang presyo ng isang kilo ng sibuyas, kasama na ang mga imported o binili sa labas ng bansa at sa lokal na merkado.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte, mura lang ang bili ng mga negosyante sa ating mga onion farmers.

Hindi lang ‘yan. Mura rin ang bili ng mga importers ng sibuyas sa labas ng bansa.

Ayon sa report, ang puhunan ng onion trader sa isang kilo ng sibuyas ay P90, kasama na diyan ang tinatawag na gastos sa pagdadala ng produkto sa mga palengke.

Pero kagaya ng marami, naniniwala tayo na may mga kababayan tayong profiteers, hoarders at iba pang walang pusong mga negosyante.

Sila lang ang gumagawa ng mga paraan upang tumaas ang presyo ng mga produkto at lumalaki ang kita nila kahit alam nilang nahihirapan ang taumbayan.

Kaya tama ang ginagawa ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) na pag-raid sa mga bodega at storage facilities na pinaghihinalaang pinag-iimbakan ng hoarded imported goods.

Ang inspeksyon ng mga pasilidad na ito, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa, ay alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Marcos at BOC chief Bienvenido Y. Rubio na matigil ang hoarding.

Ang hangad kasi ng mga hoarders ay magkaroon ng “artificial shortage” ang mga produkto para tumaas ang presyo na sila lang ang nakikinabang.

Ganyan kakakapal ang mukha ng mga mapagsamantalang negosyante.

***

Ang nangyaring sunog sa isla ng Maui sa Hawaii na kumitil ng maraming buhay, kasama na ang ilan nating kababayan, ay isa ring trahedya sa Pilipinas.

Mahigit kasing 25,000 Filipino-Americans ang nakatira sa islang ito.

Ayon nga sa record, may 200,000 Fil-Ams ang nakatira sa Hawaii.

Daan-daan sa 25,000 Fil-Ams ang kasama sa mga nawawala pang mga residente ng Maui. Hanggang ngayon ay hindi pa alam ang bilang ng mga nasawi at nasugatang Fil-Ams.

Matatagalan bago makabangon ang mga sinalanta ng wildfire sa Maui dahil parang hinulugan ng maraming bomba ang lugar. Talagang devastated ang isla.

Maging leksyon sana ito sa ating mga Pilipino dahil maraming lugar sa bansa ang puwede ring magkaroon ng wildfires.

Lalo na sa mga lugar na maraming nakatira.

Ang mahirap pa nito, lumalala na ang problema ng climate change sa mundo dahil sa addiction ng tao sa expensive fossil fuels.

Nandyan pa ang El Nino phenomenon na inaasahang lalong magpapahirap sa marami nating kababayan dahil may mga lugar na tatamaan ng tagtuyot.

At ngayong adversely affected ang supply ng tubig sa panahon ng El Nino, delikado kapag nagkasunog sa mga lugar na wala o kulang ng tubig.

Disgrasya ang aabutin natin kaya dapat maghanda-handa tayo upang maiwasan natin ang kagaya ng nagyari sa Maui, Hawaii.

****

Tama lang na isa sa top priorities ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang pag-modernize ng Philippine agriculture.

Napakahalaga na meron tayong food security upang hindi tayo umasa sa importasyon para lang may makain ang ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap.

Hindi tayo dapat umasa sa ibang bansa upang hindi tayo magutom.

Ang importasyon ng pagkain ay hindi lang magastos, kundi sampal pa sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Huwag natin kalimutan na hanggang sa kasalukuyan, isa pa rin tayong agricultural country.

Obligado ang gobyerno, sa pamamagitan ng concerned offices at agencies na tulungan ang ating mga magsasaka, mangingisda at iba pang farm workers.

Kung walang tulong ang gobyerno sa sektor ng agrikultura ay mahihirapan ang mga farm workers na umasenso.

At dapat siguruhing makararating sa mga magsasaka at mangingisda ang mga tulong at ayuda, na kagaya ng mga binhi, pataba at kagamitan, na nanggagaling sa gobyerno.

Tanggalin na rin ang mga tiwaling lingkod-bayan, lalo na ang mga lokal at barangay officials.

(Para sa inyong suhestiyon at komento, mag-text sa #0917-8624485/email: [email protected]. Ilagay lang smg buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE