Magsino

Internet voting para sa OFWs lusot sa House panel

August 1, 2023 People's Tonight 450 views

LUSOT sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bill 6770, kilala bilang ang Overseas Voting Act of 2023.

Aprubado na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang House Bill 6770 o ang Overseas Voting Act of 2023.

Layunin ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act 9189, na kilala rin bilang ‘Overseas Absentee Voting Act of 2003’ at ang Republic Act No. 10590, na kilala bilang ‘Overseas Voting Act of 2013.’

Ang panukala ay nagnanais bigyan ng karapatan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na bumoto sa pamamagitan ng internet.

Ayon kay OFW Partylist Representative Marissa Magsino, ang naghain ng panukalang batas, layunin ng House Bill 6770 na hikayatin sa pagboto ang mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa habang pinoprotektahan ang kanilang privacy at integridad ng kanilang mga boto.

Iginiit pa ni Magsino ang kaginhawahan na madadala ang internet voting.

Sa kasalukuyan, mula sa halos 12 milyong Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, tanging 1.69 milyon ang mga rehistradong botante, at 39 porsyento lamang (katumbas ng 600,000) sa kanila ang aktwal na bumoboto.

Kahit may mail-in voting at physical voting sa embahada o konsulado, malaki ang potensyal ng pagpapatupad ng internet voting para sa mas mataas na partisipasyon ng mga Pilipinong OFWs.

Ang panukalang batas ay magbibigay-daan sa electronic voting para sa mga OFW, sa pamamagitan ng electronic mail, web-based portals, at iba pang online platforms.

AUTHOR PROFILE