Posas

Ina yari sa frustrated infanticide, child abuse

February 13, 2024 Melnie Ragasa-limena 171 views

NAHAHARAP sa mga kasong frustrated infanticide at child abuse ang ina na nang-iwan ng anak sa banyo ng gas station sa Kalayaan Ave., Quezon City kamakailan.

Nadakip ang ina sa kanyang bahay sa Vista Verde Country Homes sa Brgy. Muntindilaw, Antipolo City noong Biyernes.

Batay sa ulat ng pulisya, nagsagawa sila ng backtracking sa kuha ng CCTV sa pagkakakilanlan ng babae at kasama nito sa SUV.

Naplakahan sa CCTV footage ang ginamit nilang sasakyan at natuklasang pagmamay-ari ito ng ama ng babaeng nang-iwan sa sanggol.

Nakita sa CCTV footage ang buntis na babae na gumamit ng toilet sa gasolinahan pero nanganak doon at iniwan ang sanggol.

Nadiskubre ang sanggol nang may sumunod na gumamit ng banyo.

Hindi agad nakita ang sanggol sa CR dahil pinasakan pa ng tissue paper ang bibig ng bata.