Default Thumbnail

Impiyernong kapitbahay

September 8, 2023 Allan L. Encarnacion 362 views

Allan EncarnacionMABABAWI lang naman ang kasalanan ni resigned QCPD Chief, General Nicolas Torre kung usapin ng road rage ang isasalang.

Ang totoo, mas ipinakita ni General ang pagiging fine officer and a gentleman sa paghahain niya ng resignation matapos siyang batikusin dahil sa pagsasagawa ng press conference kay Will Gonzales sa mismong headquarters nila.

Hindi ito matinding kasalanan, hindi ito para sabihing dapat mabitay ang heneral. Usapin lang ito ng “lapse in judgement” sa mga panahong dapat magkaroon ng tamang desisyon.

Pero sabi nga, kung hahatulan nang sabay ang mga tiwali at mga kriminal sa hanay ng pulisya, hindi puwedeng mapabilang dito si General Torre.

Humahanga tayo kay Torre dahil naka-super impose ang kanyang etiketa at delicadeza sa pagbibitiw niya sa QCPD dahil sa presscon issue. Dito natin nakitang may maayos at matino pa rin sa PNP na sensitibo sa damdamin ng bayan.

Umaasa tayong sa mga susunod na araw ay maririnig natin ang pangalan ni General Torre sa mga mabibigyan ng panibagong pagkakataon sa PNP.

***

Speaking of road rage, gustung-gusto nating makisisimpatiya kay Gonzales sa kanyang pagdalo sa Senate hearing, lalo na nang sabihin niyang absuwelto siya sa kaso na naging dahilan ng pagkakadismis niya.

Ang tingin kong naging batik sa mata ng publiko dito ay ang mga naglabasang reklamo sa kanya sa barangay ng ilan niyang kapitbahay.

May mga aral tayong mapupulot dito na hindi natin dapat sayangin. Sabi nga, “makaaway mo na ang iyong biyenan, huwag lang ang iyong kapitbahay.”

Kung mayroon pa rin kapitbahay si Gonzales na galit sa kanya, ang maipapayo ko ay makipag-ayos na siya dahil naniniwala akong may soft side pa rin ang taong ito kahit mistulang kinamumuhian siya ng publiko dahil sa pagdagok at pagkasa ng baril sa siklista.

Kunsabagay, nagkaayos naman na sila ng siklista at malinaw na ang isyu sa pagitan nilang dalawa.

Iyong mga kapitbahay na dating mga nagreklamo laban sa kanya ang dapat niyang ayusin para sa katiwasayan ng kanyang pamilya.

Kapitbahay lang ang tunay mong maaasahan at masasandigan sa mga panahong wala ka sa iyong tahanan or mahimbing na kayong natutulog. Ito ang palagi kong ipinamumulat sa aking pamilya, ang maging mabuting kapitbahay.

Hindi sa pagmamayabang pero parang ganoon na rin, madalas ay “darling of the kapitbahay” kami kahit saang lugar kami matira. Magmula pa noong nangungapahan kahi noong mga dekada 90 hanggang magkaroon na kami ng sariling bahay ay wala kaming isyu sa kapitbahay. Kung may teacher’s pet, kami iyong “neighbors’ pet” dahil kaibigan namin sila mula noon hanggang ngayon.

Sa totoo lang, marami kasing magkakapitbahay na kahit maliit na bagay ay nagagamit na isyu laban sa isa’t isa kaya wala silang katahimikan. Tandaan nyo ito, impiyerno ang pakiramdam kapag magkakaaway ang magkakapitbahay.

Iyong doktrina sa Bibliya na “love thy neighbor” ay totoong magdudulot ng kapayapaan kahit saan kung matuto lang tayong umunawa, magparaya at maging marespeto kahit kanino.

Sa tingin ko, may pitak sa puso ni Gonzales na mabuting tao na kailangan lang niyang mapagtanto upang mahawa rin ang mga taong nakapaligid sa kanya.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, kapag naging masama ang ugali ng padre de pamilya, mahahawa ang mga miyembro nito, lalo na kung ganyan din ang ugali ng madre de pamilya.

Tularan mo lang ang kawayan na habang tumataas ay lalong yumuyuko, hindi ka na maliligaw

[email protected]