Default Thumbnail

Iba ang tatak Gen. Eleazar sa PNP!

August 9, 2021 Marlon Purification 543 views

Marlon PurificationPANGATLONG Enhanced Community Quarantine (ECQ) na natin ito kaya lahat halos tayo ay parang sanay na sa mga sistema at panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan.

Maaaring iyong iba ay may reklamo, komento at daing. Ngunit normal lang ito. Lahat naman kasi talaga apektado ng COVID-19 na mahigit isang taon at kalahati nang namemerwisyo sa buong mundo.

Nitong nagdaang August 10, muling isinailalim sa mahigpit na ECQ ang buong Metro Manila, kasama ang ibang malalapit na lalawigan.

Kabi-kabilang checkpoints ang muling inilatag sa mga istratihiyong lugar upang makontrol ang paglabas pasok ng ating mga kababayan. Inatasan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na maging maingat din sa gagaawing paghihigpit sa mga galaw ng mga trucks at cargo vans para hindi naman maapektuhan ang mga karga nilang pangunahing produkto na kailangan ng ating mga kababayan.

“Humihingi rin tayo ng kooperasyon sa ating mga kababayan na sana ay maging sulit ang paghihirap o sakripisyo na ating gagawin para ma-realize natin ang ating objective na ma-control ang virus, particularly itong Delta variant,” ani Guillor.

Paulit-ulit ang babala ng heneral na dalawa lamang ang maaaring lumabas sa kalsada sa loob ng dalawang linggo. Ito ay ang workforce na Authorized Person Outside Residence (APOR) at ang consumer APOR’s o kailangang mamili ng mahahalagang bagay para sa kanilang sarili at tahanan.

“Ang workforce APORs at ang consumer APORs ay pinapayagan na lumabas at pumasok sa Kalakhang Maynila bilang parte ng pagbalanse ng ekonomiya ng ating bansa,” dagdag ni Eleazar.

Papayagan lamang ng pulisya ang mga APOR kung may ipapakita silang IATF identification cards na inisyu sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan o valid IDs na isyu naman ng kani-kanilang kompanya.

Mahigpit ang tagubilin ni Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG) Eduardo Año kay Joint Task Force COVD Shield Police Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson na manatiling istrikto sa border control sa NCR Plus tulad ng lalawigan ng Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal.

“Bilang tugon sa kautusan ng ating SILG Eduardo Año, kinausap ko na ang JTF COVID Shield Commander, ang NCRPO Director at iba pang commanders para sa pagpapa-igting ng ating checkpoints,” ani Eleazar.

“Napakalaki ng perwisyong idinulot ng Delta variant sa mga bansang unang tinamaan nito kaya mahalaga ang bawat oras para tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Sa panig ng PNP, patuloy kaming magiging kabahagi sa pagtupad ng aming mandato na tiyakin ang protekson ng bawat Pilipino subalit ang tagumpay ng layuning ito ay nakasalalay din sa pang-unawa, respeto at pakikipag-tulungan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng heneral.

Samantala, nagkaroon ng kaunting kalituhan kamakailan kung dapat bang payagan ang mga motoristang hindi APOR na maghahatid lamang ng essential workers sa kani-kanilang trabaho.

Sa umpisa’y pinagbawalan ito, ngunit matapos marinig ang paliwanag, reaksiyon at komento ng mga apektadong APORs, muli itong binawi ni Eleazar.

Patunay na sa pamamahala ni Guillor, hindi importante kung magkaroon ng ‘laban o bawi’ sa mga inisyal nilang panuntunan. Basta nakita niyang resonable ang reklamo ng kababayan, nakahanda niyang sundin ito di bale nang siya’y mapintasan ng ilang kritiko na walang ginawa kundi siraan ang pamahalaan.

Sa puntong ito lalo tayong humahanga kay Guillor. Kakaiba ang ‘leadership style’ ni Eleazar. Siya iyong isang lider na handang makinig at sumunod basta sa ikabubuti ng nakakarami, higit lalo sa ating mga kababayan.

ATTENTION BGY CHAIRMAN SA MAYNILA

MAY reklamo po sa inyo na hindi raw po lahat ng senior citizens ay nabigyan ng ayuda mula kay Manila Mayor Isko Moreno.

Iilan lang daw ang nakakuha ng food box na ipinadeliver ni Mayor Isko sa barangay ninyo,gayundin ang ipinamimigay ni Yorme na allowance para sa mga seniors.

Pati ang pila noon sa pag-apply ng national ID ay hindi rin nasunod sa Robinson’s kaya nananawagan sila ngayon na sana’y maging parehas at patas ang inyong sistema.

Umaasa tayong mabibigyan ito ng positibong tugon mula sa nasabing chairman, kaysa naman si Mayor Isko pa ang magalit sa inyo!