Magi

Huwag lapastanganin ang inang kalikasan

March 23, 2024 Magi Gunigundo 101 views

INAANTABAYANAN ng bayan ang imbestigasyon ng Joint Oversight Committee ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan na ang pangunahing misyon ay magmatyag sa mga ahensiya ng pamahalaan nasyonal at lokal sa pagpapatupad ng RA 11038 na nag-amyenda ng RA 7586 ( Expanded National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act).

Layon ng batas na pangalagaan ang lahat ng mga papakaunting uri ng halaman at hayop sa mga NIPAS para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.

Isa sa mga NIPAS ang Chocolate Hills Natural Monument sa Bohol na may sukat na 13,994.95 hektarya. Basta may iskandalo tulad ng Captain’s Peak Resort sa Sagbayan , Bohol, madrama ang takipan, turuan, at sisihan ng mga opisyales ng pamahalaan nasyonal at lokal. ​

Sa ilalim ng Regalian Doctrine, lahat ng klase ng lupa ay pag-aari ng Hari at hindi ito maaaring maging pribado kung walang pahintulot ang Hari. Ito ay isang katha ng batas na batay sa sistemang piyudalismo at bunga ng pangkakamkam ng lupa ng mga banyagang puti dala ang Krus at Espada sa iba’t ibang kontinente sa Asya, America at Africa. Sa modernong panahon, ang Estado ang pinagmumulan ng pag-aari ng lupa batay sa Artikulo XII ng Konstitusyon. Ang pinakamahalagang unang hakbang sa proseso ng pagsasapribado ng pag-aari ng lupang agrikultural ay isang Executive Act ng Presidente ng Pilipinas o ng batas ng Kongreso na dinedeklarang “alienable and disposal ” ang pitak ng lupain na sinukat ng DENR. Ang mga forest land, mineral land at wetlands ay hindi kailanman pinapahintulutang ariin ng pribadong tao.

​Ayon sa balita, titulado ang mahigit isang hektaryang lupa na pinagtayuan ng Captain’s Peak. Dahil sakop ng Torrens System ang lupa, umaasa ang may-ari sa “indefeasibility” ng kanyang titulo kaya namuhunan ng malaki para maitayo ang Olympic size swimming pool. Ngunit hindi dapat maging kampante ang may-ari ng lupa sapagkat marami ng desisyon ang Korte Suprema na binalewala ang torrens title kung ang ugat ng titulo ay huwad o peke at bunga ng korapsyon ng opisyales ng DENR. Halimbawa na ang paggamit ng pekeng Executive Act o di kaya ang lupang napatituluhan ay hindi sakop ng boundary ng dineklarang lupa na alienable at disposable. Sa ganitong pangyayari, maaaring bawiin ang titulo sa pamamagitan ng “reversion” na isasampa ng Estado kahit pa ilang dekada na ang lumipas ng mapatituluhan ito.

Maraming tanong ang dapat sagutin: 1. Nasaan ang Executive Act o batas na idineklarang “alienable and disposable public agricultural land” ang nasabing isang hektarya na lupa na napatituluhan? 2. Kung positibo ang sagot sa una, nasaan ang patunay na sumunod sa pagposisyon sa lupa sa loob ng takdang 30 taon bago pa 1945 ? 3. Nasaan ang mapa ng lupain ng Chocolate Hills Natural Monument na ginawa ng NAMRIA? Kailangan din makita ang geodetic survey map ng titulo ng Captain’s Peak para mapag-aralan ang mga boundaries at technical description ng mga lupa. 4. Kung wala naman Executive act o batas , bakit hindi pa maghain ng asunto ng “reversion” ang Solicitor General upang makansela ang titulo ng lupa?

​Kahit gaano kainam ang patakaran, kung hindi naman ito pinapatupad ng tama ng may katungkulan, hindi makakamtan ang mithiin na mapangalagaan ang bio diversity ng mga NIPAS. Ang dating endangered species o nanganganib na halaman at hayop ay magiging extinct o lipol na. Huwag lapastanganin ang inang kalikasan sapagkat malupit ang ganti niya.

AUTHOR PROFILE