Sandoval Malabon City Mayor and the first female chief executive of Malabon Jeannie Sandoval during her first State of the City Address held at the Malabon Sports Complex.

Mga napagtagumpayan ni Malabon Mayor Sandoval sa nakalipas na taon

July 4, 2023 Tess Lapuz-Lardizabal 331 views

Tess LardizabalSA kanyang State of the City Address nitong July 3, 2023, sa ganap na 10 a.m. ay ibinahagi ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval ang kanyang mga napagtagumpayan sa nakalipas na taon.

Ayon sa butihing mayor, may nilaan na P100 milyong sa pagpapatupad ng Land for the Landless Program sa unang tatlong buwan pa lamang ng kanyang panunungkulan. Mula dito ay 160 na sa kanyang kababayan ang nakatanggap na ng Certificate of Eligibility for Lot Allocation. Kaakibat nito ay ang 350 milyong pondong nakalaan kada taon para sa kanyang proyekton pabahay. Ang pondo na ito ay gagamitin para sa in-city relocation at pagpapatayo ng disenteng tahanan para sa bawat pamilyang Malabueño.

Tiniyak ni Mayor Sandoval na walang forever sa informal settlers sa Malabon dahil magkakaroon pa ang LGU ng sampung vertical housing buildings bago ang 2025.

Bukod pa dito, inilunsad din ni Mayor Sandoval ang Malabon Ahon Blue Card bilang kanyang flagship program noong Disyembre 2022.

Ang tinaguriang “all-in-one blue card” ay siniksik ng serbisyong panlipunan at pinansyal. At isa na rin itong paraan upang magkaroon ng e-currency at mas mabilis na online transactions.

Patuloy rin niyang binabantayan ang mas mabilis na construction ng 200-bed capacity na San Lorenzo Ruiz Hospital. Walang anumang puwersa ang basta na lamang makakapagpahinto sa pagpapatayo ng pasilidad na ito dahil sa panahon ng panunungkulan ni Cong. Ricky Sandoval ay tiniyak niya ang pagsasabatas nito noong Administrasyong Duterte.

Fully operational ang lahat ang apat na Superhealth Centers at 22 health centers. Sa maiksing panahon, umabot na sa higit 200,000 pasyente ang naserbisyuhan ng mga ito, bukod pa ang bilang na ito sa halos apat na milyong piraso ng gamot kanilang naitalang naipamahagi sa ating 24/7 pharmacies. Ang Ospital ng Malabon naman ay nakapagserbisyo na sa mahigit na 26,000 na pasyente na may iba’t ibang pangangailangan ng serbisyong medikal.

Magkakaroon na rin ng dialysis center sa Ospital ng Malabon bilang dagdag sa mga makabagong aparato at pasilidad ss siyudad na akma para sa Level 2 accredited hospital ng DOH!

Mas mabilis na ring nalalapitan ng mga taga-Malabon ang mga opisina ng lokal na pamahalaan at natutugunan ang kanilang mga pangangailangan mula noong

Pebrero dahil sa Let’s Connect TXT MJS!

Higit na sa dalawang bilyong piso na ang kabuuang generated revenue ng Malabon mula July 2022 hanggang sa June 15 ng taong ito. Mula sa halagang ito, P1.5 bilyon na ang nailaan para sa mahahalagang batayang serbisyong panlipunan.

Lagpas anim na libo pa rin ang nag-renew ng kanilang business permits at walang nagsara na negosyo sa ilalim ng panunungkulan ng ginang na alkalde.

Kung may negosyo, tiyak na may trabaho! Sa 35,000 open job vacancies, halos 12,000 na Malabueño jobseekers na rin ang nagkaroon ng trabaho, higit sa 6,000 sa kanila ay hired on the spot sa inilunsad na job fairs.

Kasalukuyang pinoproseso na rin sa Malabon ang Human Resource Information System (HRIS). Ito ay isang software na kokolekta ng impormasyon sa ating mga empleyado para sa mas maiging organisado ang ating mga records at makaagapay sa mga human resource decisions na gagawin natin.

Nakatuon din ang atensyon ng mayora sa mga magigiting at masisipag na mga lingkod-bayan sa Malabon. Kasalukuyang sinusuri ang mga susunod na hakbang at mga kaakibat na proseso upang mapabilis ang regularisasyon ng ating mga job-order at casual employees sa ating City Hall.

Ang salary increase ay hindi na muling maghihintay ng tatlong taon sa Malaon. Sa pangunguna ng City Human Resource and Management and Development Department ay nagsisimula na rin ang pagpapatupad ng ika-apat na tranche ng Salary Standardization Law V.

Naitaas na rin po ang sahod ng mga job order personnel. Mula P387 kada araw ay P570 na ito ngayon. Compliant na rin ang Malabon sa takdang minimum wage sa Metro Manila!

Ani Mayor Sandoval, nasa huling yugto na ng pag-aaral ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng Health Maintenance Card mula sa Cocolife Insurance. First time din po ito!

Isa pang “first time” sa Malabon ang pagkakaroon ng Cityhood Anniversary Bonus!

Para po sa mga kaagapay sa pamamahala: ang mga casual, job orders, contractuals with plantilla at consultants naman ay makakatanggap ng P3,000, ang mga regular employees ay makakatanggap ng P5,000 Kaakibat ng mga masusing paghahanda na ito ay ang adhikain natin para malinis na Malabon.

Ang Malabon ay sumasabay sa hamon ng panahon at pag-unlad ng teknolohiya. Kaakibat nito ang pagpapatupad ng “Consumer E-Waste Disposal Ordinance of Malabon City” na mamamahala sa pagliligpit at pagtatapon ng mga luma at depektibong electronic devices.

Nakalatag na po ang environment-friendly Parks and Development Program na may kasamang pailaw para mas marami pang mapasyalan ang mga bata, lolo at lola! Asahan niyo rin po na magkakaroon din tayo ng Convention Center dito sa atin at mas marami pang espasyo na maaaring magamit ng ating mga atleta.

Dahil sa pagtatalaga kay City of Malabon University President Glen De Leon, mas mataas na ang antas ng edukasyon sa siyudad at mas malalim na ang pagsusuri ng mga aplikasyon ng mga mag-aaral at scholarship programs para sa mga kolehiyong mag-aaral ng Malabon.

Mayroon nang ipinatutupad na 5-Year Institutional Strategic Plan na nagsisilbing balangkas na nakakabit sa mga adbokasiya at layunin ng lokal na pamahalaan. Kalakip nito ang pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga mag-aaral, kakayahang makipagsabayan sa mga dalubhasa sa ibang bansa, at likas-kayang pag-unlad.

Patuloy rin ang kampanya ni Mayor Sandoval na ang lahat ng bata sa Malabon ay nasa paaralan at hindi kailangang isakripisyo ang kanilang kinabukasan.

Sinisikap rin niya na tuluyan ng mawaksi ang child labor sa ating lungsod.

Hindi na rin magtatagal ay may Literacy at Numeracy centers na para sa maitaas ang antas ng kamalayan at kaalaman ng mga nakababatang Malabueño.

Madali at mabilis nang nailalapit sa mga taga-Malabon ang mga serbisyong hindi sila dati naaabot dahil maaayos na ang daan, may matitibay na tulay at gusali, at maaasahang sistema ng transportasyon para sa lahat. Kaakibat nito ay ang pagaayos na rin ng linya ng kuryente at paglalagay ng hybrid solar lights.

Isama pa po natin ang pagsasaayos ng ating daloy ng trapiko, isinagawang road clearing operations, at pagkakaroon ng malinaw na traffic signages.

Sa kanyang mga napagtagumpayan ay nagpasalamat si Mayor Sandoval sa kanyan mga kababayan na nagsilbing kanyang inspirasyon.

“Mula po sa aking puso, maraming maraming salamat po! Atin pong ipagdiwang ang ating tagumpay na ating nakamit para sa ating inaasam na maunlad at masaganang Malabon! Kayo po ang patunay na lahat ay kaya nating mapagtagumpayan kung tayo ay magtutulungan at patuloy na magmamalasakit sa isa’t isa.

Sa ating panahon, sabay sabay tayo. Walang maiiwan, Malabon Ahon!,” ang taos-pusong pagwawakas ni Mayor Sandoval sa kanyang address State of the City Address.

Narito ang buong State of the City Address ni Mayor Sandoval:

STATE OF THE CITY ADDRESS of Malabon Mayor Jeannie Sandoval Malabon Sports Center | July 3, 2023, 10:00 AM

Sa loob ng maraming taon, si Nanay Mila ang tumayong nanay ni TJ.

Isang batang may kapansanan. Aking ikinalulungkot na ibalita na noong Biyernes… si TJ, ang batang nasa video ay pumanaw na.

Kung maaari po ay manahimik po tayo ng mga ilang sandali para mag-alay ng ating munting panalangin para kay TJ.

Ang buhay at kalagayan ni Nanay Mila at TJ ang dahilan kung bakit tayo nagtatrabaho. Trabaho po natin sa pamahalaang lokal na punan ang pangunahing pangangailangan at pagsasakatuparan ng karapatan ng bawat isang Malabueño. TJ, ang kahilingan ng iyong Lola Mila ay isa nang katuparan ngayon bagama’t di mo ito nasilayan, isang-daan at tatlo (103) nang pamilya na may mga anak at apo ay mapalad na tatanggap ng biyayang ito. Si Nanay Mila at TJ ay Iilan lamang sa mga pamilyang nais maaabot ng ating administrasyon. Hindi dahil sa ano pa man kundi dahil ito ang tawag ng ating sinumpaang tungkulin.

Magandang umaga po sa inyong lahat, Mayor Jeannie Sandoval po, ang inyong lingkod.

Aaminin ko po sa inyo na hindi po naging madali ang nakalipas na isang taon ng ating panunungkulan – nariyan ang kawalan ng permanenteng tirahan, seguridad sa pagkain, bagsak na kabuhayan, at mapaminsalang kalamidad at sakuna na kailangang respondehan. Sa kabila ng mga desisyon – maliit man o malaki – ating pong tinitiyak na may puso itong tumitibok para sa bawat isang Malabueño na may pagmamahal sa pamilya, puspusang nagsisikap, at puno ng pangarap. Dahil sa inyong pagmamahal at patuloy nating pagkakapit-bisig, tiwala ako na ang ating mga pangarap at mga pangako ay magiging masayang alaala at matibay na kasaysayan ng ating lungsod.

Sangkap ng epektibo at matagumpay na pamamahala ang pagkakaroon ng boses at aktibong partisipasyon ng mga mamamayan. Ito ang aking paniniwala at tinutuntungan mula noon hanggang ngayon.

Ilan po sa aking iuulat sa inyo ang ating mga napagtagumpayan sa mga hamon ng pagpapabahay, seguridad sa pagkain, at kabuhayan. Kasama na rin po dito ang ating mga naging programa at proyekto para sa makamit ang de-kalidad na edukasyon para sa kabataan, disenteng kita, at trabaho. Tinugunan natin ang mga panungahing aspekto na ito dahil sa paniniwala na ang edukasyon ang susi sa pagkakaroon ng nakabubuhay na trabaho at masustansyang pagkain sa bawat hapag-kainang Malabueño.

Maraming salamat po sa inyong pagdalo ngayong umaga na ito na aking itinuturing na mahalagang araw ng aking panunungkulan. Ang pagsasama-sama natin ngayon ay patunay na kahit anong hamon man ang ating pinagdaanan, tayo po ay hindi nag-iiwanan at patuloy na susulong.

Kaya po hayaan ninyo ako ngayon na mag-ulat ng ating mga napagtagumpayan sa nakalipas na isang taon:

May nilaan tayong 100 milyong piso sa pagpapatupad ng Land for the Landless Program sa unang tatlong buwan pa lamang ng aking panunungkulan. Masaya po akong ibahagi sa inyo na 160 na po sa ating kababayan na ang nakatanggap ng Certificate of Eligibility for Lot Allocation. Kaakibat nito ay ang 350 milyong pondong nakalaan kada taon para sa ating proyektong pabahay. Ang pondo na ito ay gagamitin para sa in-city relocation at pagpapatayo ng disenteng tahanan para sa bawat pamilyang Malabueño.

Nito lamang June 29 ay nagpasinaya na tayo ng dalawang five-story buildings na may 120 housing units. Para po sa kaalaman ng lahat, ang atin pong socialized housing ay idinisenyo para sa pamilyang may apat hanggang anim na miyembro. Bilang patunay, may 572 mula sa 1,380 na housing units na po ang ating naipamahagi sa St. Gregory Homes.

Totoo pong walang forever, lalo na dito sa Malabon! Walang forever informal settlers dahil magkakaroon pa tayo ng sampung vertical housing buildings bago ang 2025!

Idinulog ko po sa tanggapan ng Sangguniang Panlungsod na isabatas sa lalong madaling panahon ang pagtatatag ng City Housing and Urban Development Department upang magkaroon ng mas malawak at komprehensibong pagpapatupad ng ating proyektong pabahay sa ating siyudad. Sa sandaling maisabatas ito, magkakaroon na tayo ng maayos, mabilis, at sistematikong pagpapabahay na dumaan sa masusing pagpaplano, pagpapatupad, at pagtatanod.

Masasabi na natin na may pag-asa. Darating po ang araw na hindi na kayo mag-alala kung nakatayo pa ba ang iniwan nating bahay pag-uwi galing trabaho, hindi na kailangan umutang ng pambayad sa renta, at wala na ring banta sa kaligtasan ng ating pamilya.

Bukod pa dito, inilunsad din po natin ang Malabon Ahon Blue Card bilang ating flagship program noong Disyembre 2022. Hindi lang ito basta isang card. Ang ating Malabon Ahon Blue Card ay ating siniksik na serbisyong panlipunan at pinansyal. Isa na rin itong paraan upang magkaroon ng e-currency at mas mabilis na online transactions. Tinagurian na po natin na ito na “all-in-one blue card”!

Pwede po bang tumayo saglit ang mga nakakuha na ng kanilang Blue Card?

Nakakataba po ng puso na iulat sa inyo na sa kabuuan mayroon po tayong 57,000 confirmed beneficiaries. Gustuhin man po natin na nandito ang lahat na 40,000 na heads of households na nakakuha na ng kanilang Blue Cards ay hindi po tayo kakasya. Halos lahat sa kanila ay nakatanggap na rin ng kanilang ayuda.

Sa init ng pagtanggap ng programa na ito, marami pa pong gustong mag-apply. Tinitiyak po natin na ngayong buwan ng Hulyo ay natanggap na ng lahat ng confirmed beneficiaries ang kanilang Blue Card.

Marami pa tayong plano para mas sulit ang ating Blue Card. Ready na po ba tayong lahat?

Bagaman wala pa tayo sa panunungkulan sa kasagsagan ng COVID-19, hitik po ang ating karanasan mula sa pakikiisa sa mga civil society organizations at volunteer groups. Kahit kailan po ay hindi po natin ipinagpaliban ang pagpapaunlad ng serbisyong pangkalusugan sa Malabon. Kaya po sa nakalipas na isang taon at sa mga susunod pa, garantisado po na de-kalidad ang inyong matatanggap na gamot, serbisyong medikal, at iba pang programa na tumitiyak na tayo sa Malabon ay malusog at malakas.

Sa laki po ng ating nasasakupan, dapat lamang po na mas maging malapit pa sa ating mga Malabueños ang mga serbisyong pangkalusugan. Patuloy nating binabantayan ang mas mabilis na construction ng 200-bed capacity na San Lorenzo Ruiz Hospital. Wala pong anumang puwersa ang basta na lamang makakapagpahinto sa pagpapatayo ng pasilidad na ito dahil sa panahon ng panunungkulan ni Cong. Ricky Sandoval ay tiniyak niya ang pagsasabatas nito noong Administrasyong Duterte.

Fully operational ang lahat ang apat na Superhealth Centers at 22 health centers. Sa maiksing panahon, umabot na sa higit 200,000 pasyente ang naserbisyuhan ng mga ito, bukod pa ang bilang na ito sa halos 4 na milyong piraso ng gamot kanilang naitalang naipamahagi sa ating 24/7 pharmacies. Ang Ospital ng Malabon naman ay nakapagserbisyo na sa mahigit na 26,000 na pasyente na may iba’t ibang pangangailangan ng serbisyong medikal.

Hindi po tayo kuntento sa pagpapayaman ng inprastrakturang pangkalusugan. Marami na pong nadugtungan na buhay ang 24 milyong piso na ating naipamahagi sa ating mga kababayang kapus-palad dahil sa napaabot nating medical financial assistance sa tulong ng Malasakit Centers.

Hanggang “sana all” lang tayo at mananatiling imposible ang lahat ng pag-unlad na ito sa ating adhikaing pangkalusugan kung hindi po dahil sa ating masisipag at magagaling na medical frontliners sa ating lungsod.

Saludo po ako sa inyo!

Konting panahon na lang po ay magkakaroon na tayo ng dialysis center sa Ospital ng Malabon bilang dagdag sa mga makabagong aparato at pasilidad sa ating siyudad na akma para sa Level 2 accredited hospital ng DOH!

Mas mabilis na nating nalalapitan ang mga opisina ng ating lokal na pamahalaan at natutugunan ang ating mga pangangailangan mula noong Pebrero dahil sa Let’s Connect TXT MJS!

Mula sa ating data kahapon, may pinagsamang report na umaabot sa lagpas dalawang libo na ang TXT MJS at MC3.

Sa katunayan, wala po tayong pinalagpas na mga mensahe na natanggap mula sa TXTMJS. Natugunan po natin ang 98.8% dito na may mga paglilinaw, reklamo, kahilingan, at mga mensahe ng pasasalamat.

Nasaan ang bubuo sa 100%? Huwag po kayong mag-alala. Ang 0.5% ay inilapit na po ng ating command center sa angkop na tanggapan ng ating lokal na pamahalaan at ang 0.7% naman ay kasalukuyan ng tinutugunan.

Sinasalamin ng data na ito na ang mga kawani at opisina sa Malabon ay mapagkakatiwalaang gumagampan at matapat sa kanilang tungkulin!

Kasabay ng pag-unlad ng mga nabanggit na sektor, tuloy tuloy ang pagtataguyod ng ating lokal na ekonomiya. Lahat po tayo dito ay nagbabayad ng buwis. Nararapat lamang po na tayo rin ang nakikinabang dito. Para po sa kaalaman ng lahat, ang pagtaas ng ating tax revenue ay ang pagtaas din ng antas na kabuhayan sa ating lungsod.

Katumbas ng pagsulong nito ay ang pagbaba ng insidente ng kahirapan dahil kaakibat na nito ang pagkakaroon ng sapat na trabaho, kabuhayan, at pantay na pagkakataon para sa lahat!

Naging posible po ito dahil higit na sa 2 bilyong piso na po ang ating kabuuang generated revenue mula July 2022 hanggang sa June 15 ng taong ito.

Mula sa halagang ito, PHP 1.5 bilyon na ang ating nailaan para sa mahahalagang batayang serbisyong panlipunan. Dahil po sa pagsisinop natin ng kalahatang kita ng ating lungsod sa tulong ng koordinasyon ng mga opisina ng ating lokal na pamahalaan, ramdam na po sa ating mga proyekto ang programa na nakalaan para sa general public, social, economic, health and nutrition, livelihood, housing community development, labor and employment at iba pang serbisyo na napakikinabangan na ng mga batayang sektor.

Sa kalagitnaan pa lamang ng taon 2023, nakamit na natin ang 76% target sa koleksyon ng real property taxes at 73% sa koleksyon sa business permits at licenses para sa 2023.

Una sa ating mga plano ay ang patuloy na pag-aaral ng mga ordinansa hinggil sa pagsususpinde ng mga kaukulang buwis para sa mga negosyong malubhang naapektuhan ng pandemya. Ito ay isang porma ng ating pag-agapay sa kanila upang unti-unting makabangon sa dagok na ito.

Bago pa man ang pandemya, naranasan ko po na burukrasya ang isa sa pinakamalalaking suliranin sa patuloy na pag-unlad ng kabuhayan at pagnenegosyo. Tinugunan po natin ito sa pamamagitan ng paglapit sa ating mga kababayan. Hindi na lang sa city hall pwedeng mag-renew ng business permits. Sa kauna-unahang pagkakataon nagkaroon na tayo ng satellite sites sa Robinsons Town Hall para magproseso ng mga aplikasyon. Bukod pa rito, atin na rin pong naipatupad ang online business permit renewal system na akma sa Anti-Red Tape Act at Ease of Doing Business Act.

Marami na pong mga negosyante ang nakakita ng potensyal ng pag-unlad ng kanilang negosyo sa ating siyudad. Nakakatuwa po na may halos 700 na bagong rehistradong negosyo ang naitala natin sa nakalipas na taon. Kung may bagong negosyo, tiyak na rin ang karagdagang trabaho para sa ating mga kababayan. Sa katunayan, higit sa pitong libong occupational permits ang atin ng naibigay sa mga bagong negosyo sa iba’t ibang industriya.

Lagpas anim na libo pa rin ang nag-renew ng kanilang business permits.

Maipapakita po ng ating mga pag-aaral na wala pong nagsara na negosyo sa ilalim ng ating panunungkulan.

Dahil sa ating ipinatutupad na 5S – workplace organization method, malaki na ang ipinagbago ng ating serbisyo publiko dahil mas maayos at organisado na ang mga tanggapan ng ating lokal na pamahalaan.

Asahan po ninyo na unti-unti ng nasusunod ang mga nakatakda sa ating mga Citizen’s Charter. Iniaayos natin ang lahat ng proseso at paglalagay ng mas marami pang one-stop shop sa mga estratehikong mga lugar at digital channels para sa mas mabilis na transaksiyon tulad ng pagkuha ng mga personal dokumento at batayang serbisyo.

Kung may negosyo, tiyak na may trabaho! Sa 35,000 open job vacancies, halos 12,000 na Malabueño jobseekers na rin ang nagkaroon ng trabaho, higit sa 6,000 sa kanila ay hired on the spot sa ating inilunsad na job fairs! Bilang pagbabalik tanaw sa mga tagumpay na ito, idinaos natin ang “Gabi ng Pasasalamat” para kilalanin ang kontribusyon ng ating top taxpayers at mga establisyemento sa Malabon.

Ginawaran din natin ng pagkilala ang mga food establishments na may katangi-tanging palikuran para sa promosyon ng kalusugan, sanitasyon, at turismo sa ating siyudad.

May mga homegrown micro-, small, and medium enterprises na rin po tayong natulungan na umunlad dahil sa puhunan na ating nailaan sa kanila. Maging ang mga kooperatiba ay atin na pong napagtutuunan ng kaukulang atensyon.

Sa tulong ng Department of Labor and Employment Integrated Livelihood Program, may 94 livelihood beneficiaries ang ating nagbigyan ng bigasan at negosyo carts! Ito po ay bukod pa sa 500 na indibidwal na nakalahok sa TUPAD at 250 entrepreneur beneficiaries ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program.

Itatatag din po natin sa lalong madaling panahon ang isang seed fund para sa mga maliliit at nag-uumpisang negosyo maging para sa mga kooperatiba sa ating siyudad.

Sa aspeto ng Institutional Development Sector…

Kasalukuyang pinoproseso na rin ang ating Human Resource Information System o HRIS. Ito ay isang software na kokolekta ng impormasyon sa ating mga empleyado para sa mas maiging organisado ang ating mga records at makaagapay sa mga human resource decisions na gagawin natin.

Nakatuon din po ang ating atensyon sa ating mga magigiting at masisipag na mga lingkod-bayan sa Malabon. Kasalukuyan po nating sinusuri ang mga susunod na hakbang at mga kaakibat na proseso upang mapabilis ang regularisasyon ng ating mga job-order at casual employees sa ating City Hall.

Magakakaroon po tayo ng maraming “first time”!

Ang salary increase ay hindi na muling maghihintay ng tatlong taon. Sa pangunguna ng ating City Human Resource and Management and Development Department ay nagsisimula na rin ang pagpapatupad ng ika-apat na tranche ng Salary Standardization Law V.

Naitaas na rin po natin ang sahod ng ating mga job order personnel. Mula PHP 387 kada araw ay PHP 570 na ito ngayon! Compliant na po tayo sa takdang minimum wage sa Metro Manila!

Bukod sa seguridad sa trabaho, titiyakin din natin na sila ay may kaukulang benepisyo at proteksyon. Nasa huling yugto na ng pag-aaral ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng Health Maintenance Card mula sa Cocolife Insurance. First time din po ito!

Isa pa pong “first time” ang pagkakaroon ng Cityhood Anniversary Bonus!

Para po sa mga kaagapay natin sa pamamahala: ang mga casual, job orders, contractuals with plantilla at consultants naman ay makakatanggap ng Php 3,000, ang mga regular employees ay makakatanggap ng Php 5,000

Tunay po nating sineseryoso ang pagpapahalaga ng kaligtasan ng bawat isa sa panahon ng sakuna at kalamidad. Sa iba’t ibang paraan ay atin pang napagibayo ang serbisyo na kayang ibigay ng ating Disaster Risk Reduction Management Office.

Abot-kamay na po natin ang mataas na antas ng kakayahan na mabilisang tumugon sa mga pangagailangan tuwing may kalamidad at sakuna. Bukod sa mga lokal na ordinansa, noong nakaraang Huwebes lamang ay atin ng pinasinayaan ang Central Command and Communication Center ng DRRMO. Ang makabagong pasilidad na ito ay may may mga PTZ, Bullet, Traffic, Dome, at speaker tracking cameras na may kasamang high level radios at monitoring systems na aagapay sa atin sa pangangalaga ng buhay at ari-arian ng Malabueños.

Mayroon na rin pong kasunduan na nilagdaan ang inyong lingkod at ang Bureau of Fire Protection para sa pagtatayo ng Central Fire Station sa Brgy Potrero, Malabon City.

Hindi na po tayo reactive sa mga maaari pa nating maranasang kalamidad at sakuna. Simula po ng tayo ay manumpa na maglilingkod bilang pinuno ng lungsod, tinitiyak na po natin na tayo ay proactive na sa mga disaster response, mitigation, and rehabilitation measures.

Prepositioned na at de kalidad po ang ating relief packs at mga pasilidad na ating pinapamahagi sa oras ng higit na pangangailangan. Ang mga ito ay bahagi ng ating pagbabalik-aral sa mga ordinansa hinggil sa forced evacuation during disasters at papalawig ng koordinasyon ng lokal na pamahalaan at barangay sa panahon ng sakuna.

Kaakibat ng mga masusing paghahanda na ito ay ang adhikain natin para malinis na Malabon, Marami na rin po tayong pinangunahan na clean-up activities. Sa atin pong pakikipagtulungan sa US Embassy, nagkaroon po tayo ng Sustainable and Renewable Energy Ambassadors Program sa Brgy. Dampalit Material Recovery Facility. Kasama po dito ang 15 na buwanang clean up drives kung saan may pitong libong residente ang tumulong sa paglilinis.

Recalibrated din ang ating pumping stations declogging operations dahil sa regular na maintenance at repair ng mga ito.Makahulugan din ang pagpapasa ng ordinansa hinggil sa waste management. Sa kabilang banda, labing dalawang beses kada buwan po ang operasyon ng Automatic Trash Rake na may kakayahang na magtanggal ng malalaking mga basura na humaharang sa mga estero at ating drainage system upang hindi na pumasok sa Malabon-Navotas-Tullahan-Tinajeros River System.

Bilang tugon sa tumitinding hamon ng climate change, nanguna tayo sa urban greening program kasama ang mga kalahok sa ating mga Binibini at Ginoong Malabon at kawani ng ating lokal na pamahalaan.

Earth-friendly na rin ang ating mga pagdiriwang. Matatandaan na ang mga makukulay at nagagandahang costumes at disenyo noong Tambobong Indakan Festival ay yari sa mga kagamitang upcycled at recycled!

Ang Malabon ay sumasabay sa hamon ng panahon at pag-unlad ng teknolohiya. Kaakibat nito ang pagpapatupad ng “Consumer E-Waste Disposal Ordinance of Malabon City” na mamamahala sa pagliligpit at pagtatapon ng mga luma at depektibong electronic devices.

Para sa mas makakalikasan at maaliwalas na Malabon, atin pong itinaguyod and pagpaparami ng green spaces sa ating siyudad. May landscaping na sa 20 green spaces at 92 na parke, wildlife, and other reservations and government facilities na rin ang ating naipalinis at naipaayos. Ang Hulong Duhat Plaza at Catmon People’s Park, isa sa pinakamalaki sa ating siyudad, ay ating isinailalim kasalukuyang isinasaayos sa ilalim ng “Adopt-a-Park” project.

Nakalatag na po ang environment-friendly Parks and Development Program na may kasamang pailaw para mas marami pang mapasyalan ang mga bata, lolo at lola! Asahan niyo rin po na magkakaroon din tayo ng Convention Center dito sa atin at mas marami pang espasyo na maaaring magamit ng ating mga atleta.

Sino ba naman ang mabilis na makakalimot sa masaya at makasaysayang Cityhood at Foundation Anniversary noong Abril at Mayo? Tunay nating pinahanga dahil sa ating pagiging malikhain at

pagpapamalas ng natatanging kultura at kasaysayan ang buong mundo dahil sa Tambobong Indakan Festival. Nabigyan natin ng pagkakataon na ipinamalas ng bawat barangay ang kanilang galing at produkto sa ating inilunsad na “One Barangay, One Product Exhibit”!

Binusog din tayo ng Malabon Tambobong Cookfest na itinampok ang labong-labong bilang pangunahing sangkap! Tribute ito sa ating mayamang kasaysayan bilang bayan. Inukit tayo nito bilang isa sa culinary capital sa mapa ng National Capital Region!

Hindi na lang tayo ang umuuwing busog, pati na rin ang ating mga bisitang turista na talaga namang sinasadya pa tayo dito sa Malabon!

Dahil po sa pagtatalaga kay City of Malabon University President Glen De Leon, mas mataas na po ang antas ng edukasyon sa ating siyudad at mas malalim na ang pagsusuri ng mga aplikasyon ng mga mag-aaral at scholarship programs para sa mga kolehiyong mag-aaral ng Malabon.

Mayroon na pong ipinatutupad na 5-Year Institutional Strategic Plan na nagsisilbing balangkas na nakakabit sa mga adbokasiya at layunin ng lokal na pamahalaan. Kalakip nito ang pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga mag-aaral, kakayahang makipagsabayan sa mga dalubhasa sa ibang bansa, at likas-kayang pag-unlad.

Nagbunga po ang mahirap na proseso na pinagdaanan ng ating lokal na kolehiyo upang makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon.

Kamakailan lamang ay iginawad ng Commission on Higher Education sa CMU ang Certificate of Program Compliance sa tatlong programa nito: elor of Early Childhood Education, Bachelor of Science in Criminology, and Bachelor of Science in Social Work.

Malapit na makamit ng CMU ang CHED institutional recognition at maibalik sa UNIFAST ang halos pitong libo nating scholars sa paaralan na ito!

Wala po talagang maiiwan sa pagunlad ng edukasyon sa ating lungsod.

Marami na rin tayong vocational courses students na atin ng napagtapos dahil sa scholarships sa CMPI!

Alam niyo ba marami na sa kanila ngayon ay may trabaho na at kumikita ng higit pa sa sapat para sa kanilang pamilya!

Maging ang mga estudyante na naghahanap ng part time jobs ay atin ng natulungan, 397 na estudyante ang nakakuha ng short-term employment sa pamamagitan ng Special Program for Employment of Students at Government Internship Program.

Patuloy po ang ating kampanya na ang lahat ng bata sa Malabon ay nasa paaralan at hindi kailangang isakripisyo ang kanilang kinabukasan.

Sinisikap po natin na tuluyan ng mawaksi ang child labor sa ating lungsod. Bilang maliit na hakbang, tayo po ay nagpamahagi ng sampung libong piso na nakalaan para sa kabuhayan at school supplies para sa pamilya ng tukoy na child laborers sa tulong ng DOLE Project Angel Tree sa ilalim ng Child Labor Prevention and Elimination Program.

Karagdagang good news din po ang ating ipinamahaging higit 1,200 tablet units sa mga Grades 4 to 6 students sa mga pampublikong paaralan sa Malabon. Isa lamang itong patunay na wala po tayong naiiwanan sa pagsusulong natin na maging technologically-advanced ang ating mga estudyante at pasilidad sa ating mga paaralan.

May nakalaan na rin po tayong Special Education Fund para sa edukasyon ng ating mga anak at kapatid na may natatanging pangangailangan.

Hindi na rin po magtatagal ay may Literacy at Numeracy centers na tayo para sa maitaas ang antas ng kamalayan at kaalaman ng mga nakababatang Malabueño.

Ang pagsasabatas ng pagkakaroon ng Malabon City National Science and Mathematics High School sa bisa ng Republic Act 11007 ay naglalaan ng kaukulang pondo para sa pagpapaayos at operasyon nito.

Mabubuksan na rin natin ang paaralan na ito sa mas marami pang mag-aaral dahil sa scholarship na ating ilalapit sa kanila. Tatanggap po ng educational assistance na may halagang limang libong piso kada buwan sa linggong ito!

Ating pong pinagaaralan ang pagkakaroon ng makabagong engineering laboratory upang higit pa nating malinang ang mga batang Malabueño na nagpapakita ng galing at talino sa larangang ito.

Ang maunlad na siyudad ay nasasalamin din sa tibay at maayos na mga imprastrukturang makikita at napapakinabangan dito. Mataas po talaga ang aking pagpapahalaga sa isang aspekto na ito na sumasalamin sa kaunlaran. Madali at mabilis po nating nailalapit sa ating mga kababayan ang mga serbisyong hindi sila dati naaabot dahil maaayos na ang daan, may matitibay na tulay at gusali, at maaasahang sistema ng transportasyon para sa lahat. Kaakibat nito ay ang pagaayos na rin ng linya ng kuryente at paglalagay ng hybrid solar lights.

Isama pa po natin ang pagsasaayos ng ating daloy ng trapiko, isinagawang road clearing operations, at pagkakaroon ng malinaw na traffic signages.

Ilan lamang sa natapos na proyektong impraestruktura ay ang upgrading end rehabilitation ng mga pangunahing daan at mga drainage.

Nadagdagan na rin po ang ating mga flood pumping stations, health facilities at evacuations centers sa ating mga barangay. Pati po ang mga gusaling pampaaralan ay atin pong pinagtuunan ng atensyon upang mas mabilis na mapakinabangan ng ating mga mag-aaral.

Magkakaroon na po tayo ng kauna-unahang drainage master plan at enhanced flood control program para sa ating kahandaan at kaligtasan mula sa sakit dulot ng baha.

Imposible at walang saysay ang ating pagbabalik-tanaw ng mga tagumpay na ito kung hindi dahil sa inyo. Hindi lamang po inspirasyon ang inyong ibinibigay sa akin upang magpatuloy. Mas makahulugan po ang pagkakaibigan, pagiging magkakampi, at magkatuwang natin sa anumang hamon na ating sinalubong hanggang sa kasalukuyan.

Mula po sa aking puso, maraming maraming salamat po! Atin pong ipagdiwang ang ating tagumpay na ating nakamit para sa ating inaasam na maunlad at masaganang Malabon!

Matagal pa po ang panahon na ating pagsasamahan. Marami pa po tayong pagtutulungang mga proyekto at programa na nagsusulong ng ating mga adbokasiya para sa ating mga batayang sektor.

Kayo po ang patunay na lahat ay kaya nating mapagtagumpayan kung tayo ay magtutulungan at patuloy na magmamalasakit sa isa’t isa.

Sa ating panahon, sabay sabay tayo. Walang maiiwan, Malabon Ahon!

(Please Like and Share sa journalnews.com.ph Mag-send ng suhestiyon at komento sa journalnews.com.ph)