Allan

‘God know’s Hudas not pay’

April 10, 2024 Allan L. Encarnacion 83 views

TAMA rin naman ang mga “patama” sa social media ng mga taong pinagkakautangan ng kanilang mga kaibigan, kakilala at mga kamag-anak.

Iyong mga banat na parang maamong tupa kapag nangungutang pero nagmimistulang mabangis na tigre kapag sinisingil ay nangyyari naman talaga sa totoong buhay.

Iyong mga tirada na madaling makita kapag nangungutang subalit mahirap hanapin kapag sinisingil ang walang kamatayang linya ng mga inutangan.

Pinagbabawalan ko ang aking pamilya na mag-share ng mga ganitong parinig sa social media. Gusto ko silang maging sensitibo sa pakiramdam ng mga taong dumadaan sa ganitong sitwasyon.

Kung madaling magpautang sa mga may kayang ipautang, hindi ganoon ang sitwasyon ng mga nangungutang. Mayroon at mayroon naman talagang tao na nangungutang na wala na talagang balak magbayad. Ganito iyong mga nagsasamantala.

Pero may mga tao rin namang nangungutang subalit may intensiyong ibalik ang kanyang nautang kahit maghulug-hulog lang. Hindi madali ang mangutang, kailangan mo ng lakas ng loob, kailangan mo ng tibay dibdib at lalong kailangan mong maghanay ng mga dahilan kung bakit ka nangungutang. Iyong iba nga, naglulubid pa ng buhangin or nag-iimbento ng dahilan para makautang.

Hindi ko naman makakalimutan noong bata pa ako ay naging taga-diskarte rin ako ng mga pangungutang namin sa tindahan. Iyong tipong bitbit mo ang palara ng sigarilyo at maglalakad ka papunta sa tindahan ni Aling Ning sa Sta Barbara para mangutang ng ilang pirasong tuyo, dalawang kilo ng bigas at mga limang itlog.

“Aling Ning pautang daw po nanay ko.” Pag-abot mo ng palara ng sigarilyo, doon niya ililista ang mga inuutang mo bukod sa duplicate niyang sarili na listahan. Kahit musmos ka pa noong mga panahong iyon ay tinatabla ka rin ng hiya kaya iyong hawak mong palara ay nakakubli sa iyong damit habang naglalakad ka.

Nakakabayad din naman ang aking nanay kaya siguro paulit-ulit ay nakakautang naman kami.

Kung minsan, kailangan mong unawain ang nga nangungutang. Katulad nga ng sinabi ko, hindi ito madali para sa mga taong wala na talagang malapitan.

Madali namang maihiwalay ang mga magaling magbayad vs magaling lang mangutang. Sino ba naman ang hindi suki sa mga utangan, lalo na’t kung may survey sa pamilya, ikaw ang palaging top of mind na lalapitan.

Sa totoo lang, hindi ko na mabibilang sa aking mga daliri at paa kung gaano karami na ang nakautang sa akin at kung magkano ang ating pinag-usapan.

Sabi nga, may mga taong nangungutang lang para magsamantala pero mas marami naman ang taong nangungutang na nagipit lang pero magaling naman magbayad.

Ang palagi nating dapat panangga sa mga ganitong sitwasyon ay pang-unawa, lalo na kung may kakayahan ka namang magpautang. Sabi nga, marami kang kailangan para magawa mo ang pangungutang. Kung sa bangko or sa mga lending institution ka uutang, marami kang kailangang ihandang dokumento.

Pero kapag sa kakilala or sa kaibigan or sa kamag-anak ka uutang, wala kang dokumentong kailangan, maliban sa pag-iipon ng lakas ng loob at magpa-manhid ng iyong buong katawan para makapagsabi.

Wala naman talagang masamang mangutang, kahit ang mga malalaking negosyante ay nangungutang. Pati nga mauunlad na bansa ay may utang din. Ang masama lang talaga ay iyong habang nangungutang ka, may “bubble talk” sa ulo mo na…” kapag pinautang ako nito, tatakbuhan ko na ito.”

Iyong walang intensiyong mang-estafa or manuba, walang problema doon. Talagang gipit lang at handang magbayad kapag nakabangon. Pero iyong umpisa pa lang ay “bad debtor” na, iyon ang masama at palaging hindi pinagpapala.

Sabi nga sa mga nakasulat sa tapalodo ng mga pampasaherong jeep: God knows Hudas not pay!

[email protected]