Edd Reyes

No comment na pahayag ni VP Sara, umani ng negatibong komento

April 10, 2024 Edd Reyes 101 views

UMANI ng negatibong komento mula sa mga netizens ang kumalat sa social media nang mapabalita ang “No Comment” statement ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ilang ulit na rin kasing umiwas ang Bise Presidente sa mga tanong kung ano kanyang opinyon sa napapadalas na pambu-bully ng China sa mga Pinoy sa WPS pero nito lang Lunes siya sumagot nang makorner ng mga reporter.

Yun nga lang, dalawang kataga lamang na “no comment” at sinabing sapat na ang pahayag ng kapatid niyang si Cong. Paolo Duterte na hindi trabaho ng Bise Presidente at Kalihim ng DepEd ang mang-demonyo ng China o anumang bansa. Dapat day ay sa Department of National Defense at Department of Foreign Affairs itanong ang ganitong isyu.

Siyempre, marami ang nadismaya sa no comment na tugon ni VP Sara dahil bilang pangalawa sa pinakamataas na pinuno ng bansa, dapat ay may posisyon siya sa ganitong uri ng malaking problemang kinakaharap ng bansa lalu na’t teritoryo natin ang nakasalalay dito.

Lalu pang dumami ang negatibong reaksiyon nang ipahayag ni Akbayan President Rafaela David na ang dalawa raw katagang no comment na nagmula pa sa mismong bibig ng pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa ay katumbas daw ng kataksilan

Siguro, kung marami ang nadismaya at nanlumo sa naging no comment na tugon ni VP Sara, higit na nasaktan dito ang pamilya at mga kaanak ng mga nasugatang Pinoy na binomba ng tubig ng China Coast Guard habang patungong Ayungin Shoal na sakop ng karagatan ng Pilipinas.

Buhay kasi ang ibinubuwis nila para lang mahatiran ng supply ang mga sundalong nagbabantay sa sumadsad ng BRP Sierra Madre sa karagatang sakop ng Pilipinas kaya kung walang komento hinggil dito ang Bise Presidente, masakit nga ito para sa kanila.

Plaza sa Binondo, naging sentro ng ilegal na aktibidad

Karaniwang nagiging pasyalan, pahingahan at lugar ng mga nag-eehersisyo ang mga itinatayong plaza, maliit man o malaki, na ginagastusan kadalasan ng lokal na pamahalaan.

Yung iba ngang mga malalaking plaza na napapabayaan sa iba’t ibang mga lungsod sa Metro Manila ay dini-develop at pinagaganda pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang proyektong Adopt-A-Park para pakinabangan ng taumbayan.

Pero dito sa maliit na plaza sa dulo ng Del Pan malapit sa kanto ng C.M. Recto sa Binondo, hindi na magamit na pahingahan, pasyalan o palaruan ng mga bata ang lugar dahil tinambakan ng mga mesa ng ilegal na sugal na sa gabi hanggang madaling araw ang operasyon.

Ang masaklap pa nga ayon sa mga residente sa lugar, dinadagsa ng mga bata ang mga mesa ng ilegal na sugal na drop ball, color games, at iba pa ng hindi man lang sinasaway ng mga nagbabantay sa ilegal na aktibidad.

Isa raw alyas “Aling Tessie” ng Laguna ang dumayo sa Maynila para dito isagawa ang operasyon matapos hindi siya pinayagan sa ilegal na gawain sa naturang lalawigan.

Ang hindi lang alam ng mga magulang na nagrereklamo ay kung nakakuha ng permit sa barangay at lokal na pamahalaan si Aling Tessie kaya ganun kalakas ang kanyang loob/

Hindi na siguro kailangang makarating pa sa kaalaman ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay ang reklamo ng mga magulang dahil may malalapit namang mga detachment ng pulisya sa lugar.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE