Gardo

Gardo, sasailalim sa ikalawang angioplasty… aktor, nilinaw ang isyu ng paghihikahos

May 2, 2023 Ian F. Fariñas 409 views

HINDI siya naghihikahos. ’Yan ang paglilinaw na ginawa ni Gardo Versoza kaugnay ng isyung hindi niya kayang tustusan ang pagpapa-opera kaya nagbebenta ng gamit tulad ng gym equipment.

Matatandaan na inatake sa puso ang “Cupcake ng Bayan” kamakailan kaya kinailangan niyang sumailalim sa angioplasty.

Matapos iyon, nag-post siya sa social media na ibinebenta niya ang kanyang gym equipment para pandagdag sa gastusin sa ospital.

Tuloy, marami ang nagtaka at nag-isip na wala silang ipon ng misis na si Ivy.

Pero pagtutuwid nga ni Gardo nang makausap ng entertainment writers sa mediacon ng bago niyang sitcom sa TV5 na Jack and Jill sa Diamond Hills, naging praktikal lamang siya dahil kesa matengga’t mabulok ang kagamitan dahil bawal nga muna sa kanya ang anumang strenuous activity, naisip niya na gawin itong pera na pandagdag sa medical expenses niya.

Kwento ng aktor, nagkaroon siya ng dalawang bara sa ugat ng puso dahil nga sa atakeng nangyari.

‘Yung isa, 100 percent ang blockage habang ang ikalawa naman ay 80 percent.

Tapos nang i-angioplasty si Gardo para sa ugat na 100 percent barado at aniya, anytime this month ay ooperahan naman ‘yung 80 percent.

“Hindi lang siya napagsabay kasi kumbaga, nanggaling sa atake. So masyadong risky and hindi nila kumbaga, pinapayagan na gawin na ano…,” aniya.

Biglaan daw ang atake niya sa puso at wala siyang kaide-ideya na mangyayari ‘yon sa kanya bilang healthy living siya at mahilig pang mag-exercise.

“Actually, ‘yun ang kasalanan ko kasi siguro last time I had my executive check-up mga four or five years ago na. Eh, dahil kumbaga regular naman ‘yung pagba-bike ko, regular ‘yung zumba, healthy naman ‘yung mga kinakain ko. So wala akong inkling na, ‘di ba, ay may masama akong nararamdaman, ganyan-ganyan. Which is nitong nangyari ‘yung atake, napagtanto ko at ‘yun ang sini-share ko ngayon na kahit walang nararamdaman, importante pa rin ‘yung magpa-check. Kasi babalik pa rin ‘yon du’n sa prevention is better than cure.”

Genetics umano ang sinabi ng doktor na maaaring nag-cause ng heart attack ni Gardo.

“Nasa bloodline namin, eh. So I Didn’t see it coming,” aniya.

Anyway, malaki ang pasasalamat ni Gardo sa mga kaibigan, netizens at Jack and Jill producer na APT Entertainment sa pagmamalasakit at pagsuporta sa kanya noong nasa ospital siya.

Sa ngayon, hinay-hinay muna ang aktor sa kanyang activities kabilang na ang pagsasayaw sa TikTok.

Hindi rin siya pinagbawalan ng mga doktor na magpatuloy sa trabaho basta dahan-dahan at alalay lang.

Anyway, kasama ni Gardo sa Jack and Jill sa Diamond Hills sina Jake Cuenca at Sue Ramirez bilang bagong dynamic duo sa telebisyon.

Nasa cast din sina Ara Mina, DJ Onse, Nana Silayro, Nico Antonio, DJ Jhai Ho, Hershey Neri at marami pang iba.

Sa ilalim ng direksyon ni John “Sweet” Lapus, mapapanood na ito sa TV5 simula May 14, Linggo, 6 p.m.

AUTHOR PROFILE