Gapan MAG LOG PO TAYO–Si Gapan City Mayor Joy Pascual (kaliwa) at Lt. Col. Wilmar Binag habang nananawagan sa mga dayo na mag-log in bago gumawa ng mga aktibidad sa lungsod.

Gapan mayor sa mga dayo: Mag log bago mang-gagamba, mangisda

April 2, 2024 Steve A. Gosuico 120 views

GAPAN CITY–Binalaan nina Gapan City Mayor Joy Pascual at police chief Lt. Col. Wilmar Binag ang lahat ng mga mapapatunayang nagnanakaw ng kambing, kalabaw, baka at iba pang hayop sa gitna ng pagtaas ng kaso ng pagnanakaw ng mga hayop sa lungsod.

“Nakakalungkot at nakakagalit dahil may mga magnanakaw ng kalabaw, baka at kambing,” pahayag ni Pascual sa kanyang FB post kasama si Binag noong Lunes.

“Para sa mga batang Gapan at mga dayo dito kapag dayo ka at magi-ikot dito nagpapastol ka ng itik, nangunguyerte ka (ng isda), nag-gagagamba lalo na kung gabi kayo pupunta sa mga barangay, asahan n’yo na po kapag may dumaan na pulis at mga barangay tanod tatanungin kayo kung bakit andun kayo.

Obligado kayo na bago kayo manguryente, bago kayo magpastol ng itik, bago kayo mag-gagamba, pumunta kayo sa barangay hall at mag-log book o magparegister muna at magpaalam kayo sa gagawin ninyo,” dagdag ng alkalde.

Gumawa ng hakbanging ganito sina Pascual at Binag dahil nagpapanggap bilang mga pastol ng kambing o itik, nanghuhuli ng gagamba o maging mga mangingisda na nagtutuba o naglalason ng ilog o sapa ang mismong gumagawa ng pagnanakaw.

“Biro nyo nagpapanggap ang masasamang loob na ganito sila tapos ang kambing na ninanakaw bina-backride lang sa single na motor,” ani Pascual.

Kapag emergency, nagbigay si Binag ng police hotline na 0905-291-3329 para sa anumang impormasyon. Sinabi niya na nagtalaga na siya ng police teams para magresponde sa mga ganitong uri ng insidente 24/7.

“Nababahala po ako pati mga Kapitan natin kasi naaawa po ko sa mga taga-bukid, sa Brgy. Mabuga namumublema si Kapitan kase may nanakawan ng kambing, sa Maburak may dalawang namatayan ng baka, iyan na mismo kasi ang kabuhayan nila. Mas mahal pa sa bahay nila,” dagdag ni Pascual.

AUTHOR PROFILE