Default Thumbnail

Estudyanteng nasa likod ng bomb threat sa Taguig, may kasabuwat

November 16, 2022 Edd Reyes 406 views

Edd ReyesHINDI lang pala ang 16-anyos na estudyante ng Signal Village National High School sa Taguig City ang sangkot sa bomb threat sa naturang paaralan kundi may kasama pa siyang isang dating street sweeper ng paaralan na nasibak sa trabaho.

Nakakuha kasi ng cybercrime warrant sa korte sina Taguig police chief P/Col. Robert Baesa at PNP Anti- Cybercrime Group chief P/Lt. Col. Jay Guillermo matapos nilang matukoy ang estudyanteng gumamit ng dummy name na “Sofia Smith” na siyang nagpadala sa Live facebook page ng I Love Taguig ang pagbabantang pagpapasabog at pagpatay sa mga estudyante kaya’t napasok nila ang bahay ng menor-de-edad na suspek at nakumpiska rito ang kanyang cell phone pati na ang iba pang gamit ng mga naninirahan dito.

Sabi ni Col. Baesa, malakas ang hawak nilang ebidensiya laban sa mga suspek na mayroon daw galit sa pamumuan ng paaralan at sa isang guro kaya ginawa ang pagbabanta.

Sabi ni Col. Baesa mabibigat na kasong grave threats, bomb scare threats, at acts of terrorism ang posible nilang isampa sa mga suspek na may katapat na parusang pagkakakulong ng hanggang 12 taon.

Nagbabala naman si Taguig Mayor Lani Cayetano sa sinumang magtangkang ipahamak ang buhay ng mga residente, lalo na ang mga estudyante, dahil hahanapin, huhulihin, at parurusahan aniya nila ang mga ito, gamit ang buong pwersa ng batas. Congrats sa pulisya at kay Mayor Lani.

Katatagan ng mga rides sa mga mini carnival, dapat bantayan

MAGSILBI sanang babala sa mga lokal na opisyal ang nangyari sa 13-anyos na binatilyong naoperahan at tinanggalan ng baga matapos tumilapon sa isang rides ng isang mini carnival kamakailan sa Pangasinan.

Ngayon kasing nalalapit ang Kapaskuhan, namumutiktik na sa dami ang mga nagtatayo ng mga mini carnival o peryahan sa iba’t-ibang lalawigan dahil wala naman sila ng mga kahalintulad ng Star City, Fiesta Carnival, MOA at iba pang napapasyalan ng mga kabataan.

Kaya lang, dapat na maging maingat ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng permiso sa pagtatayo ng mga mini carnival dahil baka mahina ang kalidad ng kanilang mga ilalagay na rides ay mangyaring muli ang disgrasya sa mga sumasakay na kabataan.

Bukod dito, karamihan ay ginagamit lang ng mga nagtatayo ng mga mini carnival ang paglalagay ng rides at amusement games para maging legal ang kanilang negosyo pero ang talagang pakay ay maglatag ng mga mesa ng ilegal na sugal.

Ang ganitong ilegal na gawain ang pinababantayan ngayon ni Police Regional Office (PRO) 4A Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. dahil sa impormasyong pinaglalagyan daw ng isang alyas Tessie ng mesa ng ilegal na sugal ang mga mini carnival sa Barangay Balagbag, Barangay Balintawak at Barangay Sabang sa Lipa City at gayun din sa Banadero Baywalk sa Tanauan, Batangas.

Inalerto rin nga ni Laguna Provincial Director P/Col. Glen Silvio ang kanyang mga tauhan dahil matunog rin ang natanggap niyang impormasyon na may ilegal ding mesa ng pasugalan sa mga peryahan ni alyas Tessie sa Cosico Ave. sa Brgy. Del Remedio Wawa sa San Pablo, sa tabi ng isang Health Center sa Brgy. Kaunlaran sa Calauan at sa Baywalk Park sa Los Banos.

Enjoy pa naman ang mga bata sa mga mini carnival lalu na kapag magaganda ang rides at mga palaro kaya sana, hindi na maulit pang muli ang disgrasyang naganap sa Pangasinan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE