Default Thumbnail

Estudyante, huli sa paghithit ng ‘MJ’

May 30, 2023 Melnie Ragasa-limena 181 views

ARESTADO ang isang high school student matapos umanong maaktuhang humihithit diumano ng marijuana (MJ) sa fire exit ng isang paaralan sa Lungsod ng Quezon nitong Linggo ng gabi.

Sa report ng Talipapa Police Station (PS) 3, nangyari ang insidente bandang 7:30 ng gabi, Mayo 29, 2023 sa isang pampublikong paaralan sa Barangay Sauyo, Quezon City.

Ayon sa mga nagreklamong guro, nakatanggap sila ng ulat na may nangyayaring “pot session” sa fire exit ng paaralan.

Agad na pinuntahan ng mga guro ang nasabing lugar at naaktuhan umano ang isang estudyante habang humihithit ng marijuana gamit ang isang glass pipe tube.

Nakumpiska mula sa 18-anyos na suspek ang apat na sachet na may lamang tuyong dahon ng marijuana na may street value P1,200.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec 11 and 12 Article II sa ilalim ng RA (Republic Act) 9165.