Lacuna Iniharap ni ‘The Game Changer General’ MPD Chief PBGen. Andre P. Dizon (kaliwa) ang mga suspek na sangkot sa iligal na droga kabilang ang mga dayuhan Koreano kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan matapos na maaresto ng mga operatiba ng SMaRT-DID at Malate PS-9 ng MPD. Kuha ni JON-JON REYES

BI, MPD inaresto 3 Koreano; higit P6M shabu nasabat

May 30, 2023 Jonjon Reyes 577 views

MATAPOS humingi ng tulong ang Bureau of Immigration (BI) sa tanggapan ng District Investigation Division II (DID-II), Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District (MPD) sa kinaroroonan ng tumakas na Koreano, naaktuhan ito na humihithit umano ng shabu sa inuupahang condo sa Lungsod ng San Juan, Lunes ng tanghali.

Ayon kay MPD Director Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon, dalawang South Korean national na naninirahan sa North Domingo Street, San Juan City ang naaresto at binitbit din ang isa pa dahil sa paglabag sa “obstruction of justice” matapos magtangkang umanong “arborin” ang mga kababayan nito.

Batay sa ulat ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng DID-ll SMaRT, bandang 11:50 ng tanghali (Mayo 29) nang pasukin ang loob ng tinutuluyang condo sa nasabing lungsod.

Pinangunahan ni P/Maj. Dave Garcia, deputy chief ng SMaRT, katuwang ang ilan nitong tauhan at mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng MPD at ang mga tauhan ng BI na kung saan narekober ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,0000.

Ayon sa report ng pulisya, pakay ng BI ang pangunahing suspek na Koreano, na unang tumakas sa piitan ng BI, makaraang tumalon umano sa may halos sampung talampakang bakod at isinailalim sa surveillance ng mga awtoridad.

Gayunman, natunton ito sa pamamagitan ng isang impormante.

Nang maberipika ang tip, pinasok nila ang condo ng mga suspek at naaktuhang humihithit ng shabu ang dalawa at madiskubre ang mahigit P6 na milyong halaga ng shabu.

Iniharap kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga nadakip na dayuhan at pinarangalan nito ang mga operatiba na nagkasa ng operasyon katuwang si Dizon at MPD PIO (Public Information Office) chief P/Maj. Philipp Ines.

AUTHOR PROFILE