Paul Gutierez

Epektibo, aktibo ang mekanismo para sa media

March 25, 2024 Paul M. Gutierrez 110 views

BINABATI muna natin ang pamunuan ng Rinconada News FM 96.7 sa Iriga City, Camarines Sur, sa pangunguna ng matikas nilang station manager at presidente ng Bicol Press Club na si Pang. Ruel Saldico. Isa ang inyong lingkod sa panauhing pandangal sa ginanap na blessing at inagurasyon ng kanilang istasyon noong March 18.

Siyempre, binabati rin natin ang ating kaibigan sa aming muling pagkikita na si P/Brig. Gen. Andrei Dizon, ang regional director ng Police Regional Office (PRO-5) na dating district director ng Manila Police District (MPD), na panauhin din sa naturang okasyon. Maganda ang “hilatsa” ngayon ni RD Dizon, NPC director Aya Yupangco, na halatang hindi “stressed” sa kanyang bagong puwesto, hehehe.

Nagbigay-daan din ang inagurasyon upang makilala natin si Iriga City Mayor Rex Oliva, na nangako ng buong suporta sa hiling ni kasamang Ruel at mga kasamahan sa Bicol Press Club, na magsagawa ang PTFoMS ng Media Summit sa rehiyon sa darating na Hulyo. Muli, congrats Rinconada News FM at mabuhay ang lahat ng miyembro ng media sa Bicol Region!

Muling napatunayan na buhay na buhay at epektibo ang mekanismo ng gobyerno upang tugunan ang mga karahasan o paglabag sa karapatan ng ating mga kapatid sa media.

Ang tinutukoy natin, DOJ Secretary Boying Remulla, ay ang pagkaaresto sa 2 sa 3 suspek sa pagpaslang sa radioman na si Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon ng Misamis Occidental noong November 5, 2023.

Ang kasong ito ay tinutukan natin, katuwang ang mga partner agencies natin, partikular ang PNP sa pangunguna ni Misamis Occidental police director, P/Col. Dwight Monato, dahil na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag lubayan ang kaso hanggang hindi mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Jumalon.

At talagang sinunod ng ating mga piskal ang direktiba ni Bossman Boying, na huwag madaliin ang pagsasampa ng kaso kung mababasura din lamang at kung hindi mataas ang tsansa na ma-convict ang mga suspek sa oras na dinggin na ang kaso sa korte. Kaya dahan-dahan, tiniyak ng mga piskal na malakas ang kaso bago ito isinampa.

Ang resulta? Nagpalabas ng warrant of arrest si Calamba, Misamis Occidental Executive Judge Michael Lotao Ajoc ng Regional Trial Court Branch 36, 10th Judicial Region, na nagresulta naman sa agarang pagkadakip sa mga suspek na magpinsan Boboy Bongcawel at Renante Bongcawel.

Inaasahan na madarakip na rin ang pangunahing suspek na si Julito Mangumpit, alyas “Ricky,” dahil sa puspusang operasyon na ginagawa ng ating kapulisan.

Para sa ating dear readers, ang tinutukoy natin na mekanismo ay ang Administrative Order (AO) No. 1, na siyang sandata para tugunan ang karahasan at paglabag sa karapatan ng mga kapatid natin sa media.

Kaya nagugulat tayo sa mga walang sawang nang-iintriga sa ating task force, ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na wala daw ginagawa at hindi daw gumaganap sa mandato.

Nagtataka nga tayo na tuwing may insidente ng karahasan sa media, inuulan tayo ng batikos, na para bang wala tayong ginagawang aksyon. Pero ngayon, nakabibingi ang katahimikan ng mga kritiko ng administrasyon sa pagkadakip sa mga suspek sa pagpaslang kay Jumalon.

Samantala, gumugulong na rin ang hustisya para kay Rowena Quejada ng K5 News Olongapo FM, na tinutukan ng baril at ninakawan habang nagkokober sa isang demolisyon sa Angeles City, Pampanga noong Marso 12.

Naisampa na sa korte ng Angeles City ang kaso laban sa suspek nitong nakaraang Biyernes, Marso 22, at hinihintay na lang ang paglabas ng warrant of arrest.

Sa pasasalamat naman sa ating mabilis na aksyon na ibinigay sa PTFoMS ng Central Luzon Media Association (CLMA) at ng Pampanga chapter ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), isa lang ang masasabi natin:

Walang anuman dahil, trabaho lang po ang ginagawa ng inyong PTFoMS!

AUTHOR PROFILE