Default Thumbnail

Ecological Solid Waste Law ipapatupad sa Maynila

April 17, 2023 Edd Reyes 178 views

SA layuning maipatupad ang pangarap na magkaroon ng maka-kalikasang komunidad, mahigpit ng ipatutupad na ng Kagawaran ng Serbisyong Pampubliko sa Maynila ang pagbubukod ng mga nabubulok at hindi nabubulok na basura na nakapaloob sa ilalim ng umiiral na Republic Act (RA) 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management of 2000.”

Ito ang ini-anunsiyo ni Kyle Nicole Amurao, ang Officer-in-Charge (OIC) ng Kagawaran ng Serbisyong Pampubliko o Department of Public Service (DPS) sa kanyang talumpati bilang punong abala sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, Lunes ng umaga, na ginanap sa Kartilya ng Katipunan.

“Ang pinakamahalagang misyon po ng ating Kagawaran ay tiyakin na ang nasasakupan nito ay gagawin ang tamang pagsasagawa ng pagbubukod ng basura mula sa pinagkukunan nito, upang mapakinabangan ang maaari pang magamit sa iba pang paraan, at ang pagkakaroon ng mahusay na pagkolekta ng basura upang iwasan ang hindi wasto at wala sa oras ng pagtatapon na nagiging sanhi ng pagtatambak nito,” pahayag ni Amurao.

Sinabi ni Amurao na kasama nila sa mahigpit na pagpapatupad ng batas ang “Divisoria Power Sweeper” na aniya ay nagsisimulang magtrabaho upang linisin ang lugar bago mag-alas-3 ng madaling araw, ang mga “Estero Rangers” na lumulusong sa mga 31 estero sa Maynila upang hakuting ang lumulutang na basura at ang “Manila Bay Mandaragat” at “Baseco Beach Warriors” na naglilinis ng mga baybaying dagat ng Manila Bay.

“Ang atin pong kagawaran ang siya rin pong nagbibigay-tulong tuwing may hindi inaasahang pangyayari gaya ng kalamidad at sakuna. Kaagapay din po natin mga janitorials, sweepers, at utilities sa paglilinis at ang Quick Response Team na miyembro ng Task Force Against Road Obstruction, na nagsasagawa ng clearing at obstruction operation, mapping at marami pang iba,” dagdag pa ni Amurao.

Pinuri at pinasalamatan naman ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga opisyal at kawani ng DPS na aniya ay hindi pa nga sapat ang 24/7 para sa lahat ng ginagampanan ng kagawaran.

“Hindi po birong gawin yan, gaya nga po ng sinabi ko sa Konseho ng Maynila, ang DPS po hindi natutulog, araw-araw po naglilinis sila, alas-3 pa lang ng madaling araw, nagpapadala na po sila ng larawan sa akin kung papaano nila nililinis ang Divisoria, yung mga ‘Power Street Sweepers’ natin,” sabi ng alkalde.

Dahil dito’y inatasan na rin ni Mayor Lacuna-Pangan ang mga manininda sa Divisoria na linisin ang tapat nila at isako ang mga tira-tirang gulay upang hindi mahirapan ang mga street sweepers na kunin ito tuwing madaling-araw.

“Kung mapapansin nyo, land, water, and air ang sakop ng DPS kaya nga sabi ko, hindi birong gawain kaya saludo po ako sa dedikasyon ninyo,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Ipinahayag pa ng alkalde na mapalad ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil may mga non-government organization (NGO) na tumutulong sa kanila tulad ng World Wide Fund for Nature (WWF) Philippines sa ilalim ng kanilang Executive Director na si Katherine Custodio na magkakaloob ng mga solid waste management equipment na malaking tulong para sa misyon ng DPS.

AUTHOR PROFILE