Pisak Kulungan ang kinahantungan at pagsisisi sa huli ang naging pahayag ng driver ng truck habang kausap ang asawa nito, matapos gitgitin at sagasaan nito ang kapuwa niya driver na namatay dahil dito. Makikita rin ang nangyaring trahedya sa CCTV footage. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

DRIVER ‘NA SANDWICH’ SA VAN, TRAK, PISAK!

October 13, 2023 Jonjon Reyes 167 views

Biktima sinita suspek dahil sa speeding

BUMABA ng aluminum van ang isang driver para sabihan sana nito ang kapuwa niya driver ng isang Isuzu truck na may trailer dahil sa sobra nitong tulin sa pagmamaneho, subalit bigla na lamang siyang ginitgit nito at nasagi kaya nagmistulang sandwich na siya nitong ikinamatay, Huwebes ng hapon sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Maynila.

Naisugod pa sa Tondo General Hospital subalit hindi na rin naisalaba ang 47-anyos na biktima na taga-Parola Compound, Tondo.

Natimbog naman ng mga nagpapatrolyang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) na sakop ng Station 1 ang 34-anyos na driver ng Isuzu tractor na taga-Malig, Isabela City.

Base sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bandang 12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard sa southbound lane malapit sa naturang PCP.

Ayon sa salaysay ng nakasaksi, sakay ng biktima ang pahinante nang mapansin nilang matulin ang pagpapatakbo ng isang Isuzu truck na may trailer na minamaneho ng suspek.

Dito na huminto ang biktima at sinabihan ang suspek na kapuwa niya driver na dahan-dahan lamang ang pagmameho, habang pababa ito sa kaniyang minamanehong van.

Ngunit hindi umano huminto ang suspek at imbes na dumeretso ay bigla nitong niliko sa kanan ang minamaneho, kaya na-sandwich ang biktima at tumilapon sa labas na kitang-kita naman mula sa kuha ng CCTV sa nasabing barangay.

Nang mamataan ang suspek ng mga nagpapatrolyang pulis, agad na inaresto ito kasabay ng pagsugod sa pagamutan sa biktimang driver.

Dakong 7:55 ng gabi nang ideklarang patay ang biktima ni Dr. Kim Rondilla.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ni Gonzales sa tanggapan ng MPD Homicide Section and insidente upang sila ang humawak ng kaso.

Kasalukuyan ng nasa piitan ng MPD Homicide Section ang suspek sa ilalim ni Police Capt. Dennis Turla, upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring insidente.

Pagsisisi naman sa huli ang naging pahayag ng suspek matapos ang nangyaring krimen na humantaong sa pagkamatay ng biktima.

AUTHOR PROFILE