Bautista

DOTr chief: Walang dagdag na MC Taxis Metro Manila

April 7, 2024 Edd Reyes 120 views

TINIYAK ni Department of Transportation Secretary (DOTr) Jaime Bautista na hindi na madaragdagan ang bilang ng MC taxi service sa Metro Manila.

Ito ang naging tugon ni Bautista sa panawagan ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) na itigil na ng LTFRB ang expansion ng motorcycle (MC) Taxi service dahil sobrang dami na ng bilang nito dahilan para maapektuhan na ang kanilang hanapbuhaay.

Paglilinaw ni Bautista, ang dagdag na 8,000 slots na nailabas ng LTFRB kamakailan ay para lamang sa labas ng Metro Manila.

“Tigil na ang pagdaragdag ng LTFRB ng MC taxi service slots at yung nadagdag na 8,000 slots ay para lamang sa labas ng Metro Manila dahil may kakulangan nito sa probinsiya,” sabi ni Bautista.

Sa panayam, sinabi ni Bautista na sa ngayon ay hihintayin na lamang ng tanggapan ang desisyon ng Committee on Transportation sa resulta ng pag aaral ng MC Taxi Technical Working Group (TWG ) para sa MC taxi service.

Sa kasalukuyan, may limang taon na ang ginagawang pilot study ng MC Taxi -TWG sa MC taxi service.

Nagkaroon ng pag aaral para dito ang MC Taxi Technical Working Group (TWG) ng DOTr upang maging legal na ang operasyon ng mga habal-habal na motor na nagsasakay ng pasahero na walang permit mula sa LTFRB.

AUTHOR PROFILE