Darryl

Direk Darryl, pumalag sa tirada ni Tañada

July 28, 2022 Ian F. Fariñas 330 views

SALPUKAN ng sound bytes nina Direk Darryl Yap at Atty. Vince Tañada ang patikim na ipinost ng TV5 anchor/reporter na si MJ Marfori sa kanyang Instagram account kahapon.

Kaugnay ito ng napipintong head-on collision ng dalawang pelikula, Maid in Malacañang (Direk Darryl) at Katips The Movie (Atty. Tañada) na parehong ipapalabas sa August 3.

Ayon sa theater actor/director/producer na si Atty. Tañada, na-challenge siya sa MiM gaya ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

Kung si Direk Joel daw ay nagsabing gagawa ng pelikula para sagutin ang MiM, ang Katips, 2021 pa nagawa at katunayan, una nang naipalabas sa iba’t ibang film festivals abroad.

Gaya ng MiM, nominado rin ang Katips sa ilang kategorya sa nalalapit na FAMAS Awards.

Matapang na buwelta naman ni Direk Darryl sa mga natsa-challenge sa kanyang pelikula, “Para silang mga putakte na nakita ng mapapakinabangan, ’no? Kung talagang they are presenting the truth, you know, the truth is always controversial, the truth is always relevant, they don’t need my film, they don’t need our film in order for them to be noticed, ano?

“So, kung totohanan ang kanilang ipinaglalaban, sana makita rin nila ang katotohanan na nagmumukha na silang t*nga, nagmumukha na silang kawawa. Alam mo ’yon? I’m sure they are very brilliant people in order for you to create an art…”

Kung ang Katips ng Philstager’s Films ay tungkol sa mga naipit sa gitna nu’ng panahon ng Martial Law at pinagbibidahan nina Jerome Ponce, Mon Confiado, ang MiM naman ng Viva Films at VinCentiments ay tungkol sa huling 72 hours ng pamilya Marcos sa Palasyo.

Ito ay pinagbibidahan nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Karla Estrada, Beverly Salviejo, Elizabeth Oropesa at marami pang iba.

Ngayong Biyernes nakatakdang idaos ang bonggang premiere showing ng pelikula sa SM North EDSA The Block Cinema na inaasahang dadaluhan ng mga miyembro ng Marcos family sa pangunguna nina Sen. Imee Marcos, dating First Lady Imelda Marcos, atbp.

AUTHOR PROFILE