Lacuna

Dietary Supplementation Program inilunsad ng MHD

July 11, 2022 Edd Reyes 315 views
Pangan
Dr. Arnold “Poks” Pangan, hepe ng MHD. Mga kuha ni JONJON REYES

INILUNSAD ng Manila Health Department (MHD) ang Dietary Supplementation Program kasabay ng pagdiriwang ng ika-48 taong selebrasyon ng National Nutrition Month nitong Lunes ng hapon.

Ang inilunsad na 120-araw na feeding program para sa mga pre-school children ay pinangunahan ni Dr. Arnold “Poks” Pangan, ang hepe ng MHD, kasama si Mayor Honey Lacuna-Pangan na dumalo sa naturang paglulunsad.

“Gusto po namin pagdating ng 2030, ang City of Manila ay magkakaroon ng best healthcare system sa buong Pilipinas. Yun po ang tatahakin natin,” pahayag ni Dr Pangan.

Ipinaliwanag naman ni Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga magulang at mga healthcare workers na dumalo sa paglulunsad ang kahalagahan ng proyekto para sa mga batang mag-aaral.

“Ito pong Dietary Supplementation Program na ginagawa natin ay nilalayon na sa loob ng 120 days ang inyo pong mga anak ay magkaroon ng tamang timbang na karapat-dapat sa kanilang mga edad,” pahayag ng alkalde.

May kabuuang 215 na mga batang ag-aaral mula sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila ang napagkalooban ng masustansiyang pagkain para sa 120-araw pati na bitamina para sa kanilang kalusugan.

Upang matiyak na maipagpapatuloy ang wastong pagpapakain sa mga batang mag-aaral, magkakaloob ng programang pangkabuhayan ang lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) sa mga magulang sa oras na matapos na ang 120-araw ng feeding program.

AUTHOR PROFILE