Gem Gem Castillo in her younger years

Dating singer-actress Gem Castillo, isang inspirasyon

August 17, 2022 Eugene E. Asis 12696 views
Gem1
Gem Castillo-Amante and San Pablo City Mayor Vic Amante

ISANG inspirasyon ang kuwento ng buhay ni Gem Castillo-Amante, isang dating singer-actress.

Nakilala namin si Gem noong nagsisimula pa lamang siyang maging aktibo sa showbiz. Naging lounge singer siya sa ilang kilalang hotel sa Makati at naging artista sa may 18 pelikula na kung saan, bida o leading lady siya ng ilang action stars noong dekada 80, kabilang ang Anak ng Yakuza, Hiram na Puso at Ang Syota Kong Balikbayan ni Fernando Poe, Jr. Naging member din siya ng ‘That’s Entertainment’ ng yumaong German Moreno. Nakagawa rin siya ng isang self-titled album sa Ivory Records, na ang mga kanta ay sinulat ni Vehnee Saturno.

Pagkalipas ng ilang taon, nawalan na kami ng balita tungkol kay Gem. Kaya natuwa kami nang imbitahin niya kami, sa pamamagitan ng kaibigan din naming dating aktres at ngayo’y matagumpay ring entrepreneur na si Jennifer Geroche, para sa isang muling pagkikita.

Big surprise. Ang dating singer-actress na kilala namin noon ay kilala ngayon bilang si Mayora Gem, ang butihing misis ng tinatawag na The Legend na si Mayor Vic Amante ng San Pablo City sa Laguna.

May apat na silang anak ni Mayor, na ang panganay ay nasa New York, kung saan nagtapos ito ng pag-aaral bilang summa cum laude. Ang tatlo pa ay pawang mga estudyante sa Brent International School.

Sa ngayon, bilang maybahay ni Mayor Amante, si Gem ay nasa likod na rin ng gawaing pagtulong sa mga tao, katulad ng pagbibigay ng scholarships at libreng serbisyong pangkalusugan.

Humaharap din siya sa maraming taong dumarating sa kanilang tahanan na may iba’t ibang concern, at nagbibigay ng inspirational speeches sa ilang events.

“Nagagamit ko ngayon ang ilang natutunan ko sa showbiz, lalo na ang pagharap sa maraming tao,” sabi ni Gem. “Pag nahilingan nila akong kumanta, siyempre, kakanta ako. Pag nagsasalita naman ako, ‘yung natural lang, at nagagamit ko ‘yung sense of humor ko na nakuha ko rin sa showbiz.”

May balak din ba siyang pumasok sa pulitika?

“Naku, sa ngayon po, wala,” aniya. “Basta masaya po ako sa pagtulong sa mga tao. Galing po tayo sa hirap kaya alam ko ang kalagayan nila. Basta nasa likod po ako ni Mayor. Inaasikaso ko rin po ang aming mga anak, at ibang business, at doon pa lang, ubos na ang oras ko.”

Kung matatandaan, ganito rin ang sitwasyon ni dating mayor, governor at representative Vilma Santos sa Lipa City. Maybahay lamang siya noon ng pulitikong si dating senador at ngayo’y Congressman Ralph Recto. Pero alam na ng lahat ang nangyari sa naging makulay na buhay- pulitika ni Ate Vi.

Sa ilang oras na nasaksihan namin ang pagdating at pag-alis ng mga taong hinaharap ni Gem sa kanilang sprawling mansion on a hill (sa kanilang pag-aaring San Pablo Heights), mukhang hihigit pa sa pagiging simpleng maybahay ng isang pulitiko ang kanyang magiging susunod na papel sa buhay.

AUTHOR PROFILE