Default Thumbnail

Dating editor pinagbabaril ng holdaper sa QC, patay

August 17, 2021 Melnie Ragasa-limena 484 views

PINAGBABARIL ang dating editor ng pahayagang Remate at kasalukuyang advertising manager ng Saksi Ngayon makaraang manlaban at barilin ng nag-iisang holdaper na pumasok sa kanilang Salon and Spa sa Quezon City, nitong Martes ng hapon.

Nasa kritikal na kondisyon naman ang isang empleyado nito.

Agad na nasawi ang biktima na si Gwenn Salamida, nasa hustong gulang, dating editor ng Remate at kasalukuyang advertising Manager ng Saksi Ngayon at residente ng Unit 4414 South, Zinnia Condo. sa Brgy. Katipunan, Quezon City.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa Quezon City General Hospital ang kasama niyang empleyado na si Oliver Perona na nabaril din.

Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCP), bandang alas-3:35 ng hapon (August 17), nang maganap ang insidente sa loob ng pag-aaring Gott Salon and Spa ng biktima na matatagpuan sa No. 191 Kaingid Road, Brgy A. Samson, QC.

Ayon sa imbestigador na si PSSg Jason Santoceldes, abala sa paglilinis ng Salon ang mga biktima bilang paghahanda sa pagbubukas kapag natapos na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) nang biglang pumasok ang isang lalaki.

Agad na nagpahayag ng holdap ang suspek habang nakatutok ang hindi pa batid na kalibre ng baril pero nanlaban ang mga biktima kaya pinaputukan ang mga ito.

Nang duguang bumulagta ang mga biktima ay agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na krimen.