Accountant hinoldap, winakwak sa saksak sa ilalim ng tulay sa QC

August 18, 2021 Melnie Ragasa-limena 124 views

POSIBLENG biktima umano ng holdap ang isang 33-anyos na accountant na pinagsasaksak ng hindi pa nakilalang lalaki sa ilalim ng tulay sa Barangay Old Balara, Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Katleen Tan Mabalot, 33, walang asawa, accountant, at residente ng 700 Purok 1, Area 5, Bgy. Old Balara, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-7:20 ng gabi (August 17), nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue, malapit sa Villa Beatriz footbridge, Bgy. Old Balara, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Mark Darwin Contado ng CIDU, namataan umano ng isang nakilalang Ruscky, driver ng pampasaherong jeep na nagpapambuno ang biktima at suspek na may taas na 5 feet at nakasuot ng kulay pulang jersey at shorts.

Nang magsisigaw ang babae at humihingi ng saklolo ay pinagsasaksak ng suspek ang biktima bago nagtatakbong papatakas.

Naisugod pa sa Malvar hospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-8:10 ng gabi, ayon kay Dr. Reiginald Rosas sanhi ng tinamong tatlong malalalim na saksak sa katawan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen.