Abuse

Dalagita sinuntok na ng ama, minanyak pa ng kapitbahay

May 23, 2023 Edd Reyes 263 views

MATAPOS makaranas ng pananakit mula sa kamay ng mismong ama, inakala ng menor-de-edad na dalagita na tutulungan at pagmamalasakitan siya ng 56-anyos na kapitbahay na nanghipo at pumisil pa sa kanyang dibdib sa Navotas City.

Nakapagsumbong naman ang dalagita sa kanyang nakatatandang kapatid na lalaki na kawani ng gobyerno kaya’t inaresto ang suspek na si Hilbert Cataros, pati na ang 52-anyos na ama ng biktima, ng mga barangay tanod ng Brgy. NBBS, Dagat-dagatan, Navotas City.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Chona Riano ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas police, nangyari ang umano’y pananakit sa biktima dakong 10:50 p.m. noong Linggo sa bahay ng mag-ama sa Maya-Maya St. Brgy. NBBS makaraang magkaroon sila ng pagsasagutan.

Sinuntok umano ng ama ang dalagitang anak at hahatawin pa sana ng hawak na bangkito subalit nagawang makatakbong palabas ng bahay ang biktima.

Nagkataong nakaupo sa labas lamang ng bahay ng mag-ama ang kapitbahay na si Cataros kaya’t kaagad niyang inalalayan ang dalagita at pinahid ang luha habang tinatanong kung ano ang nangyari at kung bakit siya umiiyak.

Habang humihikbing nagsusumbong ang dalagita, naramdaman niya ang paggapang ng kamay ng suspek papasok sa kanyang suot na damit at dinama ang kanyang dibdib bago pinisil at pinanggigilan pa ito.

Dito na biglang nahimasmasan ang dalagita at kaagad ding nagtatakbo patungo sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki upang magsumbong na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Kasong pananakit sa ilalim ng R.A. 9262 o ang Violence Against Women and Children Act ang isasampa ng pulisya laban sa ama ng biktima habang Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o Child Abuse Law ang kakaharapin ng manyakis na kapitabahay.

AUTHOR PROFILE