Bank Robbery Makikitang ipiniprisinta sa mamamahayag nina NCRPO Chief. Maj. General Vicente D.Danao Jr. at MPD Director PBGen. Leo M.Francisco ang mga suspek na nanloob sa sangay ng China Bank sa United Nations Avenue sa Ermita, Manila. Kuha ni JON-JON REYES

China Bank robbery sa Paco solved na

September 30, 2021 Francis Naguit 677 views

ITINUTURING na “case solved” na ang naganap na holdapan sa loob ng isang sangay ng China Bank sa Paco, Maynila kamakailan, ayon sa pulisya.

Ito ay matapos ipirinisinta sa mga mamamahayag nina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Vicente D. Danao Jr. at Manila Police District (MPD) Director Brig. General Leo Francisco ang mga suspek na sina Larry Carel, 32, truck driver, residente ng Phase 2, Pkg. 3 Blk 70, Lot 23 Bagong Silang at Ryan Sale, 28, ng 28 Palanza St., Brgy.Doña Imelda, Quezon City.

Ayon sa pulisya, nahuli ang dalawa sa isinagawang follow-up operations ng MPD bandang 2:30 p.m. noong Setyembre 27,2021 sa Caltex gasoline station sa Angelina Cananay Avenue, Parañaque City.

Ayon kay Francisco, natunton ang mga suspek sa pamamagitan ng isinagawang backtracking ng mga CCTV kung saan nakita ang van ng Transportify Mitsubishi L300 van na pag-aari ng Belgrado Trucking na may plakang NCW 2751.

Ang nasabing van ay nakitang nakaparada sa Paz Guazon kanto ng Mendiola Sts., Manila ilang oras bago ang panghoholdap sa bangko.

Matapos ang panghoholdap ay kaswal lang na naglakad ang pangunahing suspek at sumakay sa motorsiklo saka nagtungo sa kinaroroonan ng van.

Pagsapit sa lugar, ipinasok ang nakulimbat na pera na nagkakahalaga ng P690,000 at ang motorsiklo ay isinakay din sa loob ng van.

Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang insidente at sinasabing wala silang kinalaman sa panghoholdap.

Patuloy pang hinahanap ng pulisya ang pangunahing suspek na nagpanggap na mag-oopen ng bank account bago nagdeklara ng holdap.

Ayon kay MPD spokesperson Capt.Philipp Ines, tukoy na rin ang pagkakilanlan nito ngunit hindi pa maaring banggitin ang kanyang pangalan dahil sa patuloy na pagsasagawa ng follow up operation.

Hindi narekober ang perang natangay ng mga suspek sa bangko na pinaniniwalaang hawak ng pangunahing suspek. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE