Default Thumbnail

BOC collection target P1 trilyon

January 17, 2024 Vic Reyes 88 views

Vic ReyesMarami ang aminado sa “snake-infested waterfront” na hindi isang “walk in the park” lang ang trabaho ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa taong ito.

Hindi biro ang mangolekta ng sapat na buwis sa gitna ng maraming problemang kinakaharap ng mundo, kasama na ang Pilipinas.

Nauna nito ay itinaas ng gobyerno ang assigned tax take ng BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, sa taong ito.

Ang 2024 collection target ng ahensiya ay tumataginting na P1 trilyon. Noong 2023 ay mahigit P900 billion ang revenue target ng BOC.

Kahit napakataas ng target collection ay determinado ang BOC na hindi lang maabot kundi malampasan pa ang kanilang assigned tax take.

Ang kailangan lang ay sipag at sinseridad ng mga opisyal at empleyado diyan sa mga collection district sa buong bansa.

Naniniwala tayo na all-out support ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at BOC sa kagustuhan ni Finance Secretary Ralph Recto na makakolekta ng sapat na pondo.

Ang gusto nga ni Recto ay umabot ng mahigit na P4 trilyon ang makolekta ng BIR at BOC sa taong ito.

Ang isang trilyong piso ay manggagaling sa BOC, ayon sa bagong kalihim ng Department of Finance.

****

Hindi na kailangang umakyat pa sa Baguio City ang mga nasa lowland.

Maginaw na sa maraming parte ng bansa dahil sa tinatawag na amihan surge o bumabang temperatura.

Sa totoo lang, tinataya ng PAGASA na mas lalamig pa ang panahon sa susunod na linggo.

Noong Enero 11 ay naitala ang pinaka-malamig na temperatura na pumalo ng 12.1 degrees C sa La Trinidad, Benguet.

Sa Metro Manila naman ay bumagsak sa 20.2 degrees C ang temperatura, ayon sa Science Garden sa Quezon City. Ito ay naitala noong Enero 14.

Dati, ang pinakamalamig na buwan sa bansa ay Disyembre at hindi Enero.

Talagang nagbabago ang panahon dahil siguro sa tinatawag na climate change.

Kahit malamig sa lowland, marami pa rin ang gustong umakyat sa Syudad ng Baguio, ang tinaguriang “Summer Capital of the Philippines.”

Gusto rin nilang maramdaman ang lamig ng panahon sa syudad.

****

Tama ang proposal na magtayo pa tayo ng maraming cold storage facilities sa bansa.

Ito ay para may pag-imbakan ng mga ani kung bagsak na bagsak ang presyo ng mga produkto sa lokal na merkado.

Ito ay nangyayari kung sobra ang dumarating na imported goods, kagaya ng mga gulay. karne. isda at iba pang agricultural products.

Sa ngayon nga ay itinatapon na lang ng mga magsasaka sa Benguet ang mga ‘di mabiling repolyo dahil sa oversupply ng mga ito.

Ayon sa balita, ito rin ang nangyayari sa mga gulay na madaling masira.

Kaya kailangang magtayo ang gobyerno ng mga dagdag na cold storage facilities hindi lang sa Benguet kundi sa buong bansa.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE