Binibgyo

BINI at BGYO, all-out hatawan at kantahan sa sibling concert

October 30, 2021 Ian F. Fariñas 239 views

Isa-isa nang natutupad ang mga pangarap ng BINI at BGYO dahil pagkatapos i-release ang debut albums nila ngayong buwan, magpapasiklab na sila sa sibling concert na One Dream: The BINI & BGYO Concert sa Nobyembre 6 at 7 sa KTX.PH, iWantTFC at TFC IPTV.

Higit sa 40 na awitin ang kakantahin ng dalawang grupo, kabilang na ang mga awitin mula sa albums nilang Born to Win at The Light, at magkaiba rin ang setlist sa dalawang shows nito.

Halos hindi na rin makapaghintay ang fan groups nilang Blooms at Aces sa concert kaya naman sold out agad ang limited edition concert merchandise sa loob lamang ng sampung minuto noong maging available ito noong nakaraang linggo.

Bukod sa BINI at BGYO, mapapanood din ang bonggang performances ng guest artists na sina AC Bonifacio, Kritiko at KZ Tandingan sa Nobyembre 6.

Sa Nobyembre 7 naman, mas maraming live collaborations ang BINI at BGYO, may sub-unit performances, malakasang biritan at fan meet sa KTX.PH.

Panibagong milestones ang naabot ng parehong grupo sa paglabas ng kanilang debut albums dahil nanguna sa iTunes Albums Chart sa Philippines ang Born to Win ng BINI at ang The Light ng BGYO, at nakapasok din sa top 20 ng iTunes Songs Chart ang lahat ng mga awitin nila.

Nakapagtala na rin ng isang milyong streams sa Spotify ang BINI, habang umabot na sa 300,000 YouTube views ang music video ng bagong single ng grupo na Golden Arrow.

Samantala, umabot na rin sa limang milyong streams ang naitala ng The Light full album, habang nagkamit na ang latest single nilang When I’m With You ng higit sa 400,000 Spotify streams at 400,000 YouTube views.

Magpapasiklab din sila sa international fans sa 1MX Ultimate Music Festival sa Dubai sa Disyembre 3.

AUTHOR PROFILE