Default Thumbnail

Binata sinaksak sarili habang nasa inuman

June 20, 2022 Jonjon Reyes 316 views

PALAISIPAN sa mga awtoridad kung may “foul play” sa insidente ng diumanong pagpapakamatay ng isang 20-anyos na binata, matapos pagalitan umano ng nakakatandang kapatid.

Ang biktima ay basta na lamang isinaksak sa dibdib ang isang kutsilyo habang nasa isang inuman sa loob ng kanilang bahay sa Parola Compound Tondo, Lungsod ng Maynila, Linggo ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang na nakatira sa Area H, Bgy. 20, Parola, Tondo.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Moriones Police Station 2, bandang 11:05 ng gabi ng Hunyo 19 nang makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan hinggil sa insidente ng pananaksak sa naturang bahay.

Agad namang nagtungo si P/Cpl. Vandiel Nikko Banzon sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center para rumesponde at i-beripika ang report.

Ayon sa inisyal na ulat ni Det. Irene Jay Manalili, habang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang kapatid, ay lumapit ang nakatatandang nilang kapatid at saka umano pinagalitan ang biktima.

Nagulat na lamang sila ng damputin ng biktima ang isang kutsilyo at saka nito itinarak sa kanyang dibdib.

Nagtulong-tulong ang magkapatid na isugod ito sa nasabing ospital idineklarang itong “dead on arrival”.

Dahil dito, isinailalim sa interogasyon ang magkakapatid habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya ng bangkay sa Sol Funeral Morgue.

AUTHOR PROFILE