Default Thumbnail

Bgy chairwoman timbog sa kasong pagpatay

December 29, 2022 Edd Reyes 186 views

DINAKIP ng pulisya ang kasalukuyang barangay chairwoman sa isang barangay sa Malabon City na sangkot diumano sa brutal na pagpatay umano sa pinalitan niyang Punong Barangay Miyerkules ng tanghali.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Josie Rodil ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 293 na inilabas nito lamang Martes Disyembre 27 ay inaresto ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro ang suspek.

Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng bgy. chairwoman matapos lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sangkot siya sa pagpatay sa dating punong barangay na naganap noong Mayo 28, 2022.

Sa ipinadalang ulat ni Daro kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo, nakakita ng sapat na ebidensiya ang mga imbestigador upang patunayan ang pagkakasangkot ng akusado sa pagpatay sa dating kabesa kaya’t naglabas ng warrant of arrest ang korte.

Batay sa rekord, nakaupo sa harap ng kanyang bahay dakong alas-9:35 ng umaga noong Mayo 28 ang biktima nang pagbabarilin siya ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima subalit nasawi rin sanhi ng tama ng bala sa tiyan at kaliwang bahagi ng katawan.

Bilang numero unong kagawad o may pinakamataas na botong nakuha sa nakalipas na halalang pambarangay, humalili sa kanya bilang barangay chairwoman ang akusado batay na rin sa umiiral na batas.

Nagpahatid naman ng papuri ni Estomo kay Daro at mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section sa pangunguna ni P/CMSsgt. Edwin Castillo sa masigasig na pagtugis sa mga wanted na kriminal kaugnay pa rin sa programang S.A.F.E. (Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions) NCRPO.

AUTHOR PROFILE