Default Thumbnail

Benepisaryo ng TUPAD tutulong sa mga forest ranger

October 15, 2022 People's Tonight 258 views

Bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa pagbabago ng klima, gagamitin ng Department of Labor and Employment ang mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) bilang mga forest ranger para tumulong sa pagpapalakas at pagpapalawak ng national greening program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sina Labor Secretary Bienvenido Laguesma at Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, na nagtatakda para sa pagpapakilos ng mga benepisyaryo ng TUPAD sa pagpapatrolya sa kagubatan, produksyon ng mga punla, pagtatatag ng mga plantasyon, at pagtulong sa mga gawain sa pangangalaga ng kagubatan, bilang suporta sa Improved National Forest Protection Program ng DENR.

Sinaksihan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang paglagda sa nasabing kasunduan noong nakaraang linggo.

Ang MOA ay ipatutupad ng DOLE sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) at ng mga Regional/Field Offices ang mamamahala sa pagkuha ng mga manggagawang ipapakalat sa mga lugar na tinukoy ng Forest Management Bureau ng DENR.

Maglalaan ang DOLE ng pondo para sa umiiral na minimum na sahod sa rehiyon gayundin ang gastusin para sa mga kakailanganing personal protective equipment at group personal accident insurance ng mga manggagawa; pagpili ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng TUPAD; at pagtalaga ng isang program coordinator na susubaybay at titiyak na maayos na naipatutupad ang programa.

Ang mga manggagawang matatanggap, na magiging karagdagan sa kasalukuyang bilang ng Forest Rangers, ay magsasagawa ng pagpapatrolya, produksyon ng punla, pagtatatag ng plantasyon, at mga aktibidad hinggil sa pagprotekta ng kagubatan.

Bukod dito, ang labor department ay inatasan din na gamitin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) o ang mga accredited training institution para sa pagbibigay ng angkop na pagsasanay; at tumulong sa pagtataguyod ng mga batas, tuntunin, at regulasyon na may kaugnayan sa kapaligiran.

Ang kasunduan ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na bigyang-priyoridad ang mga pamamaraan at gawain upang mabawasan ang masamang epekto ng pagbabago ng klima sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng maayos na komunidad, kabilang ang pagpapatibay ng green economy roadmap na isa sa mga pangunahing istratehiya sa paglikha ng green jobs.

AUTHOR PROFILE