Default Thumbnail

Bawal na ‘no permit, no exam’ matagal na dapat

February 23, 2023 Paul M. Gutierrez 761 views

PaulHINILING ni Senador Chiz Escudero na ipasa na agad ng Senado ang kaniyang panukalang batas na Senate Bill No. 1359 o “Act prohibiting the no permit no exam policy” na nagbabawal sa patakarang “no permit, no exam’ sa lahat ng paaralan.

Layon din nitong ipagbawal ang anumang patakaran na hahadlang sa estudyante na makapag-enrol sa alinmang pampubliko o pribadong paaralan kapag may utang ang mga mag-aaral.

Matagal nang ipinag-uusapan ang panukalang batas na ito noon pang panahon ni dating Pangulong Duterte. Sinasabing malulugi umano ang mga pribadong pamantasan at maaaring magsara ang mga ito. Pero may mga inihain namang proteksyon sa pribadong pamantasan gaya ng hindi pagre-release ng transcript of grades at diploma hangga’t hindi bayad ang estudyante.

Ang siste kasi mga kababayan ay talaga namang nakakapangliit at malupit para sa isang estudyante na nagpupursiging makapag-aral pero hindi makakuha ng final exam dahil walang pambayad.

Hindi madaling dalhin sa isip ng isang bata ang ganoon.

Iyong buong semester na nag-aral kang mabuti at nagsumikap tapos mapag-iiwanan ka ng mga kaklase mo dahil hindi ka bayad. Parang sinampal mo ng kahirapan ang bata sa ganoong polisiya.

Alam nating matagal ang ganitong nais hakbang na gawin ng gobyerno para sa siyempre mabigyang prayoridad ang pag-aaral ng mga mamamayan nito. Sinimulan na ito ni dating Pangulong Duterte nang tanggalin niya ang matrikula sa mga pampublikong pamantasan.

Dahil sa totoo lang kung nais talaga nating mabawasan ang mga walang trabaho sa bansa natin mahalaga ang edukasyon na mabigyang prayoridad na lahat ng kaluwagan sa mga gastusin ng estudyante ay maibigay.

Isipin natin na hindi nakapagtapos ang bata dahil hindi lang nakapag-exam. Mas mahihirapan itong makahanap ng trabaho sa loob man o labas ng bansa. Dagdag na naman sa unemployment natin. At kapag minalas-malas baka maging magnanakaw pa o pusher dahil walang makitang trabaho.

Ito rin naman ang dahilan kung bakit talagang mas mataas ang budget na meron tayo sa edukasyon natin dahil kung mabibigyan natin ng mas maayos na edukasyon ang mga kabataan natin mas mapapababa natin ang tyansa na mapariwara sila sa buhay.

Kaya sana ay maipasa na talaga ito ng Senado at Kongreso dahil malinaw ang positibo nating magagawa para sa mga kabataan at sa ating bansa.

Dahil ayaw nating isipin na baka may impluwensiya na ang mga pribadong pamantasan para pigilan ang batas na ito na siyempre ay makakaapekto sa kanilang negosyo.

Iyon po ang totoo na negosyo naman po talaga sa mga pribadong pamantasan ang edukasyon nila. Kaya sila po ang unang-unang tatamaan kung sakaling maisabatas ito.

Pero kung kapakanan po talaga ng ating mga kabataan at ating bayan ang ating iisipin ay madali pong maipapasa ang batas na ito dahil maraming kabataan ang makikinabang. Maraming pamilya po ang makikinabang at sa proseso po alam nating makikinabang ang bansa natin dito.

Kaya sana po ay maisip ito ng ating mga mambabatas na maisabatas sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at tiyak tayo na marami ang matutuwa. Magiging malaking mensahe po ito sa bayan kung paano pinahahalagahan ng administrasyon ang pag-aaral ng kabataan.

AUTHOR PROFILE