Posas

Basurero pinatay, suspek tiklo

November 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 154 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang basurero sa Novaliches, Quezon City noong Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si alyas Boy Negro, nasa edad 35-40, may taas na 5’5”, at nakasuot ng itim na t-shirt at short pants.

Naaresto ang suspek sa krimen na si Jaime Morroco Cariaga, alyas Jimmy, 45, ng Sampaguita St., Nomar II, Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang alas-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Engracia extension, Nitang Ave., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay QCPD Novaliches Police Station 4 chief P/Lt. Col. Jerry Castillo, nasa loob ng bahay ang saksing nakilalang Bryan nang makarinig siya ng putok ng baril mula sa labas.

Agad na lumabas ng bahay si Bryan at nakita niya ang biktima na duguang nakahandusay at wala nang buhay kaya inireport niya ito sa mga otoridad.

Inginuso naman ng isang concerned citizen ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Nakasamsam naman ang mga pulis ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Cpt. John Agtarap ng isang basyo ng bala ng kalibre 9 mm.

Namatay ang biktima dahil sa tama ng bala sa batok. Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspek.