Kulong GANG MEMBERS–Kinakausap ng isang pulis ang mga suspek na natimbog sa isinagawang manhunt matapos silang manloob sa isang tahanan at igapos ang mga biktima sa Tondo, Manila. Kuha ni Jon Jon Reyes

5 sa 9 na tumangay ng P4.7M, alahas sa bahay sa Tondo timbog na

November 16, 2023 Jonjon Reyes 263 views

ARESTADO ng mga pulis ng Manila Police District (MPD) ang lima sa siyam na miyembro ng Gapos Gang na gumapos sa isang pamilya at tinangay ang mga alahas at mahigit P4.7 milyon cash sa Yuseco St., Brgy 231, Tondo, Maynila kamakailan.

Sa limang naaresto, dalawa ang babae. Nakilala ang mga suspek na sina alyas Pandak, alyas Tapoy, alyas Emack, alyas Itoy at alyas Vincent, pawang nakatira sa Tondo.

Bandang alas-9:00 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng mga biktima sa F. Yuseco St., Brgy. 231 sa Tondo.

Iginapos ang mga biktima at saka naghalughog sa buong kabahayan at tinangay ang mga alahas at cash na aabot sa humigit kumulang sa P4.7 milyon.

Patuloy ang pagtugis sa iba pang miyembro ng gang.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery with Violence or Intimidation of Person at Acts of Lasciviousness.

Tuluy-tuloy ang ginagawang imbestigasyon at paghahanap pa sa iba pang mga suspek sa pangunguna ni PLt. Col. Orlando Mirando Jr. ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) katulong sina Police Major Alrey Bundalian ng Criminal Investigation Section, Police Major Jervies Soriano, hepe ng District Police Intelligence Operation Unit at Police Lieutenant Gary June Gading, hepe ng Theft and Robbery Section.

Kasama rin sa mga tumutugis sa iba pang miyembro ng gang ang mga tauhan ng Jose Abad Santos Police Station 7 sa pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, station commander.

AUTHOR PROFILE